Set 12, 2013

Hindi Kasya sa Minsan ang Pagsuko

Istorya ito kapwa ng puso at daigdig.
Ang kaibigan ay isang bagay na hinuhulma

Upang may lalapit sa iyo, magpapakumpuni,
kesyo may nadispalko, may batang nabundol, at
bakit mabibilanggo kung hindi ikaw ang rehas?

Minsan ka na ring nanalig sa inyong lingkod,
sa mga taong uukit ng langit mula sa ulap
ayon sa hilatsa ng likod ng minsang kapatid.

Heto ang mga dasal: palad na nakasandig
sa palad, kamay na nakalapat sa sahig
o sa ere, o sariling nakatiklop sa kamay ng

Kaibigan;
tuwing may nagdarasal, may kumakapit sa patalim.

Walang komento: