Maaaring ito na lamang ang nalalabing konteksto kung saan ako maaaring umasenso: kung saan ikaw ang may silbi sa akin habang wala lang ako sa iyo.
(Naisip ko rin, matutuwa ka kaya kapag nalaman mong simula na ng aming pasukan ang iyong Agosto? Matatawa ka ba kapag sinabi kong kahit hindi pa sumasapit ang buwa'y matindi na ang singil nito?)
Kung ikaw ang tatanungin, ano ba ang mas maigi: na may tao sa ulap, o wala? Sa isang banda, walang sisipat sa iyong mga lihim—mga lihim na tila nagsasapot na anino, na hindi ko mawarian kung bakit hinding-hindi mapigilan ang paghahabi. Sa kabilang banda, ayun meron, may tao sa ulap at pinagtatawanan ka nito.
Sakaling may tumatawa, gusto ko sanang marinig ang mismong tawa, kung malutong o parang daluyong ng dagat sa tanghaling-tapat, kung parang sa bata o sa abugado ng bata. Paano kaya kung itong walang tigil na pagbabasa ng mga tula'y pag-aapuhap sa mga saglit, sa mga patikim, sa sari-saring uri ng pagkakabaligtad ng dakilang tawang iyon? Paano, kung itong walang tigil kong pagsusulat (at maaaring ang iyong napigil na pagsusulat) ay hindi panggagaya o pagtugon sa tawang iyon kundi pagsasalin nito sa isang wikang hindi marunong lumigaya?
Ay A—, gusto ko sanang isiping ikaw ang nasa pusisyong humusga. Ngunit nilisan ka na ng lahat ng mga posibleng pusisyon. Nangarap ka at nangarap ako, sabay tayong kumain, salit-salitang nagsalita—at napakagalang natin sa isa't isa—ngunit hindi talaga tayo nakapag-usap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento