ni Lydia Davis
aking salin
Nagsulat ng kuwento ang batang babae. “Mas maigi sana kung nagsulat ka ng nobela,” sabi ng kanyang ina. Bumuo ng bahay-manika ang bata. “Mas maigi sana kung totoong bahay,” wika ng kanyang ina. Gumawa ng maliit na unan ang bata para sa kanyang ama. “Hindi ba’t mas kapaki-pakinabang ang kubrekama,” sabi ng kanyang ina. Nagbungkal ang bata ng maliit na hukay sa hardin. “Mas maigi sana kung nagbungkal ka ng malaking hukay,” sabi ng kanyang ina. Nagbungkal ng malaking hukay ang bata at doon siya natulog. “Mas maigi sana kung habang-buhay kang natulog,” sabi ng kanyang ina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento