Set 2, 2014

Magpakalasing

ni Charles Baudelaire
salin ni Vlad Gonzales

Dapat laging lasing. Yun ang mahalaga, yun ang tanging usapin. Ang di madama ang kahindik-hindik na pasakit ng Panahong sumasabit sa mga balikat at nagpapabagsak sa lusak, kailangang malasing nang walang tigil.

Malasing sa ano? Sa alak, sa tula, o sa pagkadalisay, bahala ka. Basta magpakalasing.

At kung minsa'y maalimpungatan ka, sa hagdanan ng isang palasyo, sa kung saang madamong hukay, sa walang kabuhay-buhay na pag-iisa ng iyong sariling silid, at mabatid na ang iyong tama'y humuhulas o tuluyang lumayas, kausapin ang hangin at alon, tanungin ang bituin, ang ibon, o ang orasan, kausapin ang lahat ng lumilipad, lahat ng umuungol, lahat ng dumadaloy, lahat ng umaawit, lahat ng may tinig, tanungin kung anong oras na; at ang hangin, alon, bituin, ibon, orasan, lahat ay tutugon: "Aba'y oras na para magpakalasing! Kung di ka magpapaalipin sa Panahon, magpakalasing ka habambuhay! Sa alak, tula, o sa pagkadalisay, bahala ka."

Walang komento: