Tinadtad ang mga ideya at isinahog ang kambal-dila para sa salusalong ito. Sana may sustansya. Masimot man o hindi, tanggapin ang aking pasasalamat sa iyong pagtikim.
Peb 27, 2015
Home with a list of names
Hindi ko alam kung kaya kong magklase mamaya. Miss ko na yun, kahit pa large class. Marami namang bibo kaya nakakagana talagang pumasok. Sama lang ng pakiramdam ko, boses, ulo, ganyan. Kinailangan ko pang magkansela ng isang mahalaga sanang (muling) pakikipagkita makatiyak lamang na may sapat pang lakas sa pagpasok. Saya naman kasi. Kagahapon, sa HUM 160, adrenaline na lang yata ang nagpatakbo sa akin. Naubusan na kasi ng luya sa bahay. Ewan ko rin kung bakit ako na-excite samantalang exam lang naman kami (hindi rin naman ako excited magtsek ng papel... ito yung tipo ng bagay na bihira kong hinahanap-hanap gawin pero pag nandun ka na—may oras at kape, at espasyo para sa mga papel—masaya na, tuloy-tuloy na, para kang may binubuong klase sa utak mo). Bitin yung usapan, lalo dun sa ikalawang seksyon. Sa una, sakto lang, pero bitin din. Ewan, adik. Hindi ko na muna tinanggap yung mga journal nila kasi hindi rin naman kakayaning tsekan. Dagdagan na muna nila ng laman, at sana sana sana naman ay kayanin ko na yun sa susunod na linggo. Masarap magpaawa sa blog, gawain ng hindi iisa sa aking mga kakilala. Kasalukuyan kong iniisip ang mga kaibigang hindi na kaibigan. Kasalanan ito ng pagbisita ng isang kaibigang kasalukuyan pa ring kaibigan (at sana hanggang kamatayan na, kahit ako na ang mauna, sige, tutal nakatatanda naman ako). Hirap kayang makahanap ng tipong magtitiyaga sa akin... at saka yung masarap ding tiyagain. Mahirap makahanap lalo kung hindi palahanap. At kung katulad kong salat sa tiyaga at pasensya (bagay na hindi dapat ipagmalaki). Pinakilala sa akin ng isang dating kaibigan si Colvin. Gusto ko pa rin si Colvin, pero yung nagpakilala, hindi na. Ayaw na. Kadiri lang. May isang dating kaibigan na kasalukuyang tumutulong sa isang kasalukuyang kaibigan. Kung mangyayaring pareho pala silang hindi panghabang-buhay sa akin, oks lang. Yung isa ay kawalan pag nagkataon. Pero kaya yun, sana huwag lang yung nasa isang espasyo kami tas isnaban. Ay, anak kong nanaginip ng osong nagmamaneho ng crane (at nahulog ang oso at kanyang iniligtas)! Alam mong ayaw mo na talaga sa isang tao kapag malayo na nga sila e hindi pa rin sila napapakinang ng mga taba sa utak mo. Napakadaling ipangharang ang matatalinong estudyante sa taimtim na pagpapatunay ng isang kaibigan. Hindi ka nag-iisa. Hindi lamang ikaw ang ipinanganak na may kakayahang manlahat, umastang makatotohanan. Panghabang-buhay ka pa man din sana.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento