ni Pierre Reverdy
aking salin sa salin ni Ron Padgett
Siguro nawala ko ang susi, at pinagtatawanan ako ng lahat, at bawat isa’y pinakita sa akin ang dambuhalang susing nakasabit sa kaniyang leeg.
Ako lamang ang walang paraang pumasok sa kung saan. Nawala na silang lahat at pinalulungkot lalo ang kalsada ng mga pinid na pinto. Wala ni isa. Kakatok ako sa bawat pinto.
Tumilapon ang mga insulto mula sa mga bintana at umatras ako.
Hindi nalalayo sa labas ng bayan, sa gilid ng ilog at mga puno, natagpuan ko ang isang pinto. Isang tarangkahang payak at walang kandado. Pumunta ako sa likod nito at, sa isang gabi na walang bintana ngunit makakapal ang kurtina, sa pagitan ng gubat at ng ilog na nagtanggol sa akin, nagawa kong makatulog.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento