“Ayos ang stage, kuya! Parang hindi tayo binaha a.”
“Suwerte lang, hindi bumagsak ang putik,” paliwanag ni manong habang tinuturo ang bundok. Iyon kasi ang nangyari sa eskuwela nina Damian at Maria noong bagyong Milenyo. “Akala namin tapos na, naglilinis na nga kami e. Tapos bumalik. Doon, kasama na ang putik.”
Samantala, puros tubig lang daw si Kristine, madaling nalinis ang covered court ng hose. Kaso, tumaas nang husto ang baha nito. “Mataas [ang lupa] diyan, hanggang tuhod lang ang baha. Diyan sa parking mababa, hanggang dito.” Tinaga ni manong ng palad ang kanyang leeg.
May tambak pa ng basura isang sulok: mga nasirang files ng mga guro at iba pang gamit ng paaralan. Bukod pa ito sa mga bagay na nais pa nilang salbahin. Puno ang mga koridor ng mga aklat na pinatutuyo.
“Nag-sorry si titser sa amin dahil sa mga placemat,” kuwento ng aking anak. Inanod siguro ang mga iyon. Isipin mo, kasagsagan ng bagyo. Nagsisilutang ang mga placemat sa loob ng bawat klasrum, mga lihim na piyesta ng tubig.
Mabaho ang silid sa unang umaga ng eskuwela. Pinalabas muna ni titser ang mga bata at nag-spray ng disinfectant. Pagbalik ng mga bata, nahilo ang isa at nagsuka. Dinala sa nars.
Pagka-dismiss, napansin ng mga bata ang mga kahoy-kahoy sa playground. Natural, nailahok ang mga ito sa kanilang mga laro. “Log” ang tawag ni Maria sa isang malaki-laki habang “mega stick” ang turing ni Damian sa ilang mas maliit na, kung susundan ang kuwento, tila inaaari na nilang magkakaibigan.
Sa kahalintulad na espiritu siguro tinuloy ang Halloween Party kahit sabi ni Pinky sa isang nanay, “Akala ko nga hindi na nila itutuloy. Magpa-Pasko na.” Para na rin siguro hindi masayang ang mga ensayong sayaw, mga naisumiteng kendi, ang matitinding mga bihis. Katunayan, walang kuryente sa covered court at kinailangang magpatulay ng mga ekstensyon mula sa canteen para sa sound system.
Samantala, habang masasaya ang mga bata, nagkukuwentuhan ang mga magulang tungkol sa bagyong Kristine. Natalupan ng bubong ang pamilya ng pinakamatalik na kaibigan ni Damian. Napinsala ang mga hindi pa tapos bayaran. Sulitin na lamang natin bilang kuwento. Kung hindi pa naiimis ang playground sa Lunes, may ihahaba pa ang buhay ng mga nalaglag na kahoy sa kamay ng mga bata.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento