Dis 25, 2024

Skeletal workforce

Naiwan namin ang nebulizer sa bahay kaya tumulak kami nang madaling araw. Dire-diretso ang biyahe, hindi kami inabot ng isang oras—na kadalasa’y isa’t kalahati—kahit tuloy-tuloy ang ulan at maraming bahaging sa kahabaan mula Calamba hanggang Pansol. 

Minabuti na rin naming dalhin si Damian sa nakagawiang ospital. Gaya nang inaasahan sa umagang katatapos lang ng Noche Buena, walang masyadong tao. Sa ospital, magiliw ang lahat kahit paano, nagpapalitan ng good morning at merry Christmas. Tahimik lang ang isang bantay sa labas ng emergency room, isang matandang babae, at kinailangan pang piliting i-fill-out ang form. “Kailangan na po kasi talaga ‘yan,” sabi ng nars. “Nasaan na po ba ang kasama ninyo.” 

Butas na ang panubigan ng kanyang binabantayan. Wala pang pedia sakaling manganak siya, wala pang sasalo. Iniisa-isa ng doktor ang mga pedia, pinapakiusapan. “Sige na, Doc, 4 cm pa lang naman.” Wala na sa listahan niya ang pedia namin dahil alam niyang nasa Japan. 

Noong nahiga na para i-nebulize si Damian, nasa kabilang kama ang buntis. Pinaghiwalay lamang sila ng makapal na berdeng kurtina. Dinig na dinig ang hininga at halinghing sa sakit ng nagdadalang-tao. “Masakit ‘yan, wala pang anesthesia, mahirap,” bulong ni misis.

Wala siyang kasamang lalaki. “Baka natakot,” sabi ng isang nars. 

Samantala, may napapayag na doktor ang isa pang nars, “pero on-call lang, nakapangako na raw sa anak.”

Makalipas ng dalawang pausok, gumanda na ang oximeter ni Damian. Patanghali na nang makumpleto ang mga gamot. Mas mabigat na ang daloy ng trapiko, mas maulan at lalong bumaha, ngunit mas maliwanag . Pagkabalik namin sa mga kami, sinabi ko sa panganay, “uy, na-miss kita.” 

“Alam ‘nyo ba, nung nag-text si Ma na paalis na kayo ng ospital, kakagising lang namin?”

Walang komento: