May 26, 2025

Kahon

Patay-sindi ang ulan ngayon. Alas dos kahapon, nilibing ang aming Tito, bunsong kapatid ni Dad. Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas nang minsan kaming bumisita sa kanilang bahay. Siyempre masaya kami, makakalaro namin sa pekwa at jackstone ang mga pinsan! At! Masarap kasi ang pagkain doon, parehas magaling sa kusina sina Tito at Tita. Ngunit nagkataong abroad si Tito. Sa halip, may kahon sa may telebisyon nila na punong-puno ng mga cassette tape. Hindi sila tugtog kundi mga nirekord ni Tito Manny sa Jeddah, mga piraso ng kanyang boses na pinatawid sa tubig at buhangin. Titig na titig ako sa mga tape na iyon kahit wala naman sila ni bulong sa akin. May nakasulat lang na ilang salita, at may petsa. Ito si Tito Manny. Ito ang una kong pagkakakilala sa kanya.

Sa kabutihang palad, nakapagretiro siya mula sa pangingibang-bansa. Noong 2017, si Tito ang sinabihan ni Dad na parang hindi na siya magtatagal (at sa taon ngang iyon namaalam si Dad). Nito lang, 2023, makailang beses niloob ang bahay nina Mama. Dumating si Tito, tinulungan kami nina Ate, tinututukan ang pagsasaayos sa grills at pagpapakabit ng CCTV. Ang mga ito (at iba pa), sa kabila ng matitinding dagok sa kanyang buhay bilang asawa, ama, at kapatid.

Lahat ng nagmahal sa kanya at minahal niya ay mga sisidlan ng kanyang tinig, halos pabulong na kung minsan, mahinahon, sadyang mapagpalakbay. Makarating din sana ang aming yakap at pasasalamat. Isa pang abroad, kung gayon, mahal naming Tito Manny. Ika-20 ng Setyembre, 1959—ika-21 ng Mayo, 2025.

litratong kuha ni Edu, mahal kong pinsan at pamangkin din ni Tito Manny

Walang komento: