May laptop ako sa panaginip. Maroon ang kulay at kawangis ng katawan ng coleman ang materyal. May istrap ang laptop ko kaya maaaring dalhin na style backpack. Ito lang ang dala ko papuntang Santolan. Kailangang inspeksyunin ang laptop sa bungad ng MRT(7). Nakaaasar sapagkat kailangan kong magmadali. Tahimik lang ako. Pinsan ko ang guwardiya(10). Tinanong niya sa akin kung nais ko talagang sumakay. Sabi ko, oo. Kukuha raw kasi siya ng espesyalista. Pumasok siya sa opisina. Lumabas si Guingona at umupo sa turnstile. Gamit ang mga screwdriver at plais, binuksan niya ang laptop at ininspeksyon ang kada piyesa. Sa susunod na eksena, nagpupusoy kami ng pinsan ko sa hardin sa Odiongan(15). Nakasando siya, saudi gold sa leeg at daliri, at pantalon at bota ng militar. Magiliw kaming naglalaro(19), naghihiwa ng manggang hilaw, at nagmumurahan.
Mga sipi:
7—Kinabahan ako sa bahaging ito, marami akong inisip na excuse sakaling may makita sila.
10—Patay na ang aking pinsan. Hindi siya kailanman naging sundalo o guwardiya. Hindi na umabot ng bente kuwatro, sa pagkakaalala ko.
15—Isang beses lang ako nakabisita sa hardin na ito. Hindi pa ako nagtagal noon, sinamahan lang ang aking ninang na magyosi. Ngayon ko lang natandaan ang isang panaginip sa Romblon.
19—Hindi ko alam kung sino ang nananalo. Okey lang kung siya. Panaginip ko naman e.
4 (na) komento:
naibahagi mo na ba sa mga bihasa sa panaginip yan? baka may ibig sabihin..baka mananalo ka sa lotto :)
dennis, sa palagay ko, ang panaginip na ito ay isang pagbalikwas-alis sa nakagawian mo nang buhay sa Lungsod. O isang pagpapakita ng iyong mga iniisip nang mga panahong napapanagimpan mo ang mga ito. Gaya ng eksena sa MRT at Santolan. Ngayong gising ang iyong malay, ano ba ang kadalasan mong naiuugnay sa Santolan at MRT?
Hindi kaya napapagod ka na lamang sa mga panahong ikaw ay gising at "busy-busihan" sa kahingian ng trabaho? Kaya ang iyong nakaraan (simbolismo ng pinsang wala na at mga nakagawian sa probinsya) ay iyong naaalala?
Wala lang akong magawa. Kaya kung anu-ano na ang aking naisulat-tipa.
it meant death in the family. found out a week later.
my condolences.
Mag-post ng isang Komento