Inabot na ako ng hapon sa pag-uwi. Lumabas lang naman ako dahil nakaligtaan ang regalo ni ninong Jol kay Elisha sa package counter ng Depot. Kasama nito ang mga libro mula sa Faura, isa na rito iyong ipinaaabot kay Pink. Umaga pa naiwan ang bag kaya nakahinga ako nang maluwag na hindi nila binuksan o pinagsuspetsahang nagdadala ng bomba.
May dyip na agad sa bungad. Doon ako sa dulo tumungo, sa likod mismo ng drayber. Kauupo ko pa lang, narinig ko na ang malakas na boses ng lalake sa kabilang dulo. Nilalait nung tao ang drayber, kesyo mapansamantala sa mga pasahero, kesyo bingi, kesyo matanda.
Sa totoo lang, mukhang mas matanda ang lalakeng ito, semikal ang tabas, kulang sa ahit, at maputi ang natitirang buhok sa anit, pisngi, at baba. Tuloy-tuloy ang tirada niya sa drayber, pero nang pumapara ang isang grupo ng mga pasahero, kapansin-pansing siya pa ang sumesegunda sa drayber. “Ate,” sabi ng lalake, “may pulis kasi, ilalagpas nya nang konti.”
Kaso, kahit nailagpas na, may isa pang unipormadong naghihintay. Muli, ang lalake ang nag-abiso sa grupo, “teka lang ha, konti pa.”
Hindi nagtagal, halata nang magkaibigan ang dalawa, nag-aasaran lang. Kapos din kasi sa pagtugon ang drayber kaya hindi ko malaman kung natutuwa siya sa set-up. Baka hindi lang makatutol. Baka pinagbibigyan lang ang kaibigan. Baka rin namang hindi niya naririnig ang ilang banat ng kausap, syempre naman, kasi nga nagmamaneho.
May dalawang sumakay, at ako mismo ang nag-abot ng mga bayad nila, isang bente at isang singkwenta. “Ilan ho itong mga bente?” tanong ng drayber.
“Tig-isa,” sabi ng isang pasahero, “pero singkwenta yung isa.”
Biglang tumawa ang maingay na lalake. “Pagpasensyahan na po nyo, may kahinaan na mata nyan e!”
Tumawa naman si manong drayber, kaso kulang pa rin ang naisukli niya kaya inulit ng pasahero na singkwenta ang kanyang inabot. Syempre, hindi ito pinalampas ng lalake. “Ayan na nga bang sinasabi ko sa inyo! Dadayain kayo ng isang yan! Pupwede ba yun? Dose isinukli sa singkwenta?”
Tulad ko, agad ding nakuha ng mga bagong sakay na nagbibiruan lang ang dalawa. Mas napapadalas na ring sumagot ang drayber, halimbawa, nang pag-usapan ang parating na laban nina Cotto at Mayweather, si manong drayber naman ang bumanat, “wala akong pakialam sa mga yon, ayaw namang humarap sa kin e.”
Sinimulang magkwento ni manong drayber tungkol sa nasirang bushing at sumabog na pipe ng kanyang dyip. “Buti hindi sumabog sa mukha mo!” sagot ng lalake.
Bumaba ang pasahero sa harap, at inimbita ni manong ang kanyang kausap. “Parine ka kasi, anlayo mo dyan, kaya hindi ako makaganti sa yo!”
Tumawa lang ang lalake. Pumara ito nang makarating ang kami sa may bakery, “oy, dito lang ako!”
Ngunit sabi ng drayber, “hindi, pagbalik ka na bumaba!”
Kaso, nang makalampas ng Demarses, may pumarang pasahero. Muli, tumawa na naman ang lalake, “malas mo, may pumara!”
Doon pa sa may library ang babaan ko. May kahabaan pa ang lalakarin, ngunit sinamahan ako ng eksenang iyon hanggang makarating sa bahay. Marami nang nakaranas ng sitwasyong ito ano?
Kailangan mo lang ng kausap. Ang gusto niya ay audience.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento