May 13, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan XIV

ni Juan Gelman
aking salin


Dumating ang aking ama sa Amerika na nasa harapan ang isang kamay at nasa likuran ang isa pa, na mas maigi na rin upang hindi mahubo ang kanyang pantalon. Dumating ako sa Europa na nasa harapan ang aking isang kaluluwa at nasa likuran ang isa pa, na mas maigi na rin upang hindi mahubo ang aking pantalon. Gayumpaman, may mga pagkakaiba. Pumunta siya para manatili; pumunta ako upang manumbalik.

May mga pagkakaiba, sabi mo? Sa pagitan nating dalawa, tayong dumating at umalis, sinong nakakaalam kung saan ito magtatapos?

Papa – nabubulok na ang iyong cranium sa daigdig kung saan ako ipinanganak, isa itong simbolo ng pandaigdigang kawalan ng hustisya. Kaya naman hindi ka gaanong nagsasalita; hindi mo na kailangan. At ang iba pa – pagkain, pagtulog, paghihirap, paggawa ng mga bata – ito ang mga kinakailangang hakbangin, natural lamang, na tila nagsusumite ng mga papeles para sa pag-iral bilang tao.

Hindi kita malilimutan, sa kalahating-ilaw ng hapag-kainan, patungo sa liwanag ng iyong mga ugat. Dati-rati’y kinakausap mo ang iyong lupa. Hindi mo makuhang ipagpag ang lupang iyan mula sa mga paa ng iyong kaluluwa. Mga paang punong-puno ng lupa na tulad ng isang dakilang katahimikan, katulad ng tingga, katulad ng liwanag.

Roma / 5-13-80

Walang komento: