Ipinapakita ang mga post na may etiketa na cummings. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na cummings. Ipakita ang lahat ng mga post

May 16, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan XVII

ni Juan Gelman
aking salin


Mahal ko itong ibang bansa para sa mga ibinibigay nito sa akin, para sa mga hindi nito ibinibigay sa akin.

Sapagkat katangi-tangi ang aking sariling bayan. Hindi ito ang pinakadakilang bayan, ito’y katangi-tangi. At ang mga banyaga, iginagalang nila ito nang basta-basta, ganoon talaga sila, ganoong kakaiba, ganoong kakaiba ang kanilang kagandahan.

Nadadala ako ng kanilang kagandahan. Wala akong kinalaman sa kanilang pamamaraan ng pagkamit ng kagandahan.

Ito ang nakakaengganyo: kapag inihahandog nila sa akin ang kanilang kagandahan, ibinibigay rin nila ang pagiging banyaga ng kanilang kagandahan. Kawalang-hustisya, pasakit, pahirap – halos palaging nakikialam .

Saludo ako sa iyo, kagandahan. Mga piraso tayo ng pandaigdigang paglalakbay, kakaiba, kabaligtaran, nadadala ng pare-parehong mga alon.

Mauuwi tayo sa isang dalampasigan kung saan. Gagawa tayo ng kaunting apoy laban sa lamig at gutom.

Magiging mapusok tayo sa ilalim ng iisang gabi.

Magkikita tayo, makikita natin.

Roma / 5-16-80

May 14, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan XVI

ni Juan Gelman
aking salin


Hindi nila dapat hinuhugot ang mga tao mula sa kanilang pagkakaugat sa kanilang mga lupain o bansa, hindi dapat sa pamamagitan ng karahasan. Nananatiling nagdadalamhati ang mga tao. At nananatiling nagdadalamhati ang bansa.

Kapag ipinapanganak tayo, pinuputol nila ang higod. Kapag ipinapatapon tayo, walang pumapatid sa gunita, sa wika, sa daloy ng dugo. Kailangan tayong matutong mabuhay na tila mga bromeliad, nabubuhay sa hangin lamang.

Isa akong halimaw na halaman. Nilalayo ako mula sa aking mga ugat ng isang libong milya at walang tangkay ang nag-uugnay sa amin, dalawang dagat at isang karagatan ang naghihiwalay sa amin. Sinisinagan ako ng araw habang humihinga ang aking mga ugat sa gabi, nagdurusa sa gabi sa ilalim ng araw.

Roma / 5-14-80

May 13, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan XIV

ni Juan Gelman
aking salin


Dumating ang aking ama sa Amerika na nasa harapan ang isang kamay at nasa likuran ang isa pa, na mas maigi na rin upang hindi mahubo ang kanyang pantalon. Dumating ako sa Europa na nasa harapan ang aking isang kaluluwa at nasa likuran ang isa pa, na mas maigi na rin upang hindi mahubo ang aking pantalon. Gayumpaman, may mga pagkakaiba. Pumunta siya para manatili; pumunta ako upang manumbalik.

May mga pagkakaiba, sabi mo? Sa pagitan nating dalawa, tayong dumating at umalis, sinong nakakaalam kung saan ito magtatapos?

Papa – nabubulok na ang iyong cranium sa daigdig kung saan ako ipinanganak, isa itong simbolo ng pandaigdigang kawalan ng hustisya. Kaya naman hindi ka gaanong nagsasalita; hindi mo na kailangan. At ang iba pa – pagkain, pagtulog, paghihirap, paggawa ng mga bata – ito ang mga kinakailangang hakbangin, natural lamang, na tila nagsusumite ng mga papeles para sa pag-iral bilang tao.

Hindi kita malilimutan, sa kalahating-ilaw ng hapag-kainan, patungo sa liwanag ng iyong mga ugat. Dati-rati’y kinakausap mo ang iyong lupa. Hindi mo makuhang ipagpag ang lupang iyan mula sa mga paa ng iyong kaluluwa. Mga paang punong-puno ng lupa na tulad ng isang dakilang katahimikan, katulad ng tingga, katulad ng liwanag.

Roma / 5-13-80

May 11, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan IX

ni Juan Gelman
aking salin


Nakapula kami sa labas ng bayan, sa lupa sa labas, umuulan, dinidilaan ng mga liyab ang mga santo, nagsisidaan ang mga kalansay na parang mga ibon, kinakaladkad ng suso ng babae ang alapaap. Tila ahas ang pila sa haba nitong 14,000 kilometro. Mga Argenguayan, mga Urulean, mga Chilentinian, mga Paraguvian, at lahat sila'y kumukulo. Hinihila nila ang gabi ng Timog Amerika, nagngangalit ang kanilang mga kaluluwa sa katahimikan. Iyan ang tunay nilang trabaho.

Roma / 5-11-80



Okt 26, 2007

maaaring di palaging ganito; kaya ko sinasabi

(e.e. cummings
aking salin)

maaaring di palaging ganito; kaya ko sinasabi
na kung ang ‘yong mga labi, na aking inibig, ay dadampi
sa iba, at kung ang ‘yong malalakas na daliri’y kakapit
sa kanyang puso, parang akin sa di nalalayong panahon,
at kung hihimlay sa mukha ng iba ang tamis ng ‘yong buhok
sa katahimikang wangis nitong alam ko, o sa katulad
na dakilang salitang kumikiwal, kayraming sinasatsat,
nakatayong walang laban sa tapat ng napipintong diwa.

kung magkakaganito; ang sabi ko kung magkakaganito–
ikaw ng aking puso, magparating ng kaunting pasabi,
nang matungo ko s’ya, at mahawakan ang kanyang mga kamay,
at sabihing, Tanggapin mo lahat ng aking kaligayahan.
At saka ako lilingon, at maririnig ang isang ibon
humuhuni sa sukdulang layo ng mga nawalang lupa.