Ipinapakita ang mga post na may etiketa na gelman. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na gelman. Ipakita ang lahat ng mga post

Ene 18, 2014

There's an old cat

In the old house, Gelman,
but you're not there . . .

I, sweeping the new house, you

Locking the newer, towns

away from the cat,
each other, the nearest pharmacy.

Far too old to want a knee, too

blind; how is leaving her
bowl white an end to this?

May 25, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan XX

ni Juan Gelman
aking salin

Kay Cesar Fernández Moreno


Dito sa Europa ang panahon ay may pagkakasunod-sunod, walang nagbibihis ng barong nasuot na kinabukasan, at walang nagmamahal sa babaeng mamamahalin niya kahapon.

Sa aking bansa, magagamit ni Carlos ang hibla ng walis upang patayin ang diktador upang magtagal ang kanyang buhay. Ibibigay ni Paco ang kanyang buhay upang hindi magpatuloy ang mga kasalukuyang pangyayari, anumang kinabukasan ang nasusunog sa ating gunita, ang nakalipas ay kontinenteng matutuklasan isang araw.

Dito walang naglalaba ng mga lampin ng kanyang ina. At walang matandang babaril sa kanyang sarili sa kuna, walang durugistang sasabat sa taong iisa ang braso at walang bibig, sa patay na may mga permit, sa mga bulag na hindi nagsasabing “tumingin” at tumitingin.

Roma / 5-25-80

May 16, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan XVII

ni Juan Gelman
aking salin


Mahal ko itong ibang bansa para sa mga ibinibigay nito sa akin, para sa mga hindi nito ibinibigay sa akin.

Sapagkat katangi-tangi ang aking sariling bayan. Hindi ito ang pinakadakilang bayan, ito’y katangi-tangi. At ang mga banyaga, iginagalang nila ito nang basta-basta, ganoon talaga sila, ganoong kakaiba, ganoong kakaiba ang kanilang kagandahan.

Nadadala ako ng kanilang kagandahan. Wala akong kinalaman sa kanilang pamamaraan ng pagkamit ng kagandahan.

Ito ang nakakaengganyo: kapag inihahandog nila sa akin ang kanilang kagandahan, ibinibigay rin nila ang pagiging banyaga ng kanilang kagandahan. Kawalang-hustisya, pasakit, pahirap – halos palaging nakikialam .

Saludo ako sa iyo, kagandahan. Mga piraso tayo ng pandaigdigang paglalakbay, kakaiba, kabaligtaran, nadadala ng pare-parehong mga alon.

Mauuwi tayo sa isang dalampasigan kung saan. Gagawa tayo ng kaunting apoy laban sa lamig at gutom.

Magiging mapusok tayo sa ilalim ng iisang gabi.

Magkikita tayo, makikita natin.

Roma / 5-16-80

May 14, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan XVI

ni Juan Gelman
aking salin


Hindi nila dapat hinuhugot ang mga tao mula sa kanilang pagkakaugat sa kanilang mga lupain o bansa, hindi dapat sa pamamagitan ng karahasan. Nananatiling nagdadalamhati ang mga tao. At nananatiling nagdadalamhati ang bansa.

Kapag ipinapanganak tayo, pinuputol nila ang higod. Kapag ipinapatapon tayo, walang pumapatid sa gunita, sa wika, sa daloy ng dugo. Kailangan tayong matutong mabuhay na tila mga bromeliad, nabubuhay sa hangin lamang.

Isa akong halimaw na halaman. Nilalayo ako mula sa aking mga ugat ng isang libong milya at walang tangkay ang nag-uugnay sa amin, dalawang dagat at isang karagatan ang naghihiwalay sa amin. Sinisinagan ako ng araw habang humihinga ang aking mga ugat sa gabi, nagdurusa sa gabi sa ilalim ng araw.

Roma / 5-14-80

May 13, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan XIV

ni Juan Gelman
aking salin


Dumating ang aking ama sa Amerika na nasa harapan ang isang kamay at nasa likuran ang isa pa, na mas maigi na rin upang hindi mahubo ang kanyang pantalon. Dumating ako sa Europa na nasa harapan ang aking isang kaluluwa at nasa likuran ang isa pa, na mas maigi na rin upang hindi mahubo ang aking pantalon. Gayumpaman, may mga pagkakaiba. Pumunta siya para manatili; pumunta ako upang manumbalik.

May mga pagkakaiba, sabi mo? Sa pagitan nating dalawa, tayong dumating at umalis, sinong nakakaalam kung saan ito magtatapos?

Papa – nabubulok na ang iyong cranium sa daigdig kung saan ako ipinanganak, isa itong simbolo ng pandaigdigang kawalan ng hustisya. Kaya naman hindi ka gaanong nagsasalita; hindi mo na kailangan. At ang iba pa – pagkain, pagtulog, paghihirap, paggawa ng mga bata – ito ang mga kinakailangang hakbangin, natural lamang, na tila nagsusumite ng mga papeles para sa pag-iral bilang tao.

Hindi kita malilimutan, sa kalahating-ilaw ng hapag-kainan, patungo sa liwanag ng iyong mga ugat. Dati-rati’y kinakausap mo ang iyong lupa. Hindi mo makuhang ipagpag ang lupang iyan mula sa mga paa ng iyong kaluluwa. Mga paang punong-puno ng lupa na tulad ng isang dakilang katahimikan, katulad ng tingga, katulad ng liwanag.

Roma / 5-13-80

May 11, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan IX

ni Juan Gelman
aking salin


Nakapula kami sa labas ng bayan, sa lupa sa labas, umuulan, dinidilaan ng mga liyab ang mga santo, nagsisidaan ang mga kalansay na parang mga ibon, kinakaladkad ng suso ng babae ang alapaap. Tila ahas ang pila sa haba nitong 14,000 kilometro. Mga Argenguayan, mga Urulean, mga Chilentinian, mga Paraguvian, at lahat sila'y kumukulo. Hinihila nila ang gabi ng Timog Amerika, nagngangalit ang kanilang mga kaluluwa sa katahimikan. Iyan ang tunay nilang trabaho.

Roma / 5-11-80



May 9, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan IV

ni Juan Gelman
aking salin


Nabungkal na ako mula sa pagkakaugat sa iyo. Umaapak na ang aking mga paa sa sari-saring lupalop, at nauuwi sa ganitong pamumuhay sa ibang lupalop nang hindi nagsisinungaling sa aking sarili, nang hindi nagsisinungaling. Ang mga maseselan at maliliit na halaman ay maaaring mabuhay. Kaibigan nila ang hangin – bagamat wala itong naiintindihan tungkol sa kahit ano – at kaya nito silang buhayin, ilawan. Patuloy ang kanilang paghinga, ang mga maliliit na halaman.

Bibisita ako sa gabi at titingnan sila, pakikinggan ang kanilang paghinga, ang kanilang mga titig na tumititig din sa akin, pabalik at tutok, mga apoy na tumutupok sa kahoy na ikaw, lupaing nasusunog sa lahat ng daigdig, nag-uumapaw na ikaw, napakahirap, lubhang nag-iisa.

Roma / 5-9-80