May 25, 2012

Sa Ilalim ng Banyagang Ulan XX

ni Juan Gelman
aking salin

Kay Cesar Fernández Moreno


Dito sa Europa ang panahon ay may pagkakasunod-sunod, walang nagbibihis ng barong nasuot na kinabukasan, at walang nagmamahal sa babaeng mamamahalin niya kahapon.

Sa aking bansa, magagamit ni Carlos ang hibla ng walis upang patayin ang diktador upang magtagal ang kanyang buhay. Ibibigay ni Paco ang kanyang buhay upang hindi magpatuloy ang mga kasalukuyang pangyayari, anumang kinabukasan ang nasusunog sa ating gunita, ang nakalipas ay kontinenteng matutuklasan isang araw.

Dito walang naglalaba ng mga lampin ng kanyang ina. At walang matandang babaril sa kanyang sarili sa kuna, walang durugistang sasabat sa taong iisa ang braso at walang bibig, sa patay na may mga permit, sa mga bulag na hindi nagsasabing “tumingin” at tumitingin.

Roma / 5-25-80