Hun 5, 2012

Sipi mula sa Sining sa Liwanag ng Konsiyensiya

ni Maria Tsvetaeva
aking salin


Ang kalagayan ng paglikha ay kalagayan ng pagkabighani. Hangga’t hindi mo nasisimulan, ika’y nahuhumaling; hangga’t hindi natatapos, ika’y nasasaniban. May kung ano man, may kung sino man ang nananahan sa iyo; ang iyong kamay, hindi nito ginagawang ganap ang iyong sarili kundi ito, ang ano mang bagay na ito. Sino itong bagay na ito? Siya itong kung ano na nagnanasang umiral sa pamamagitan mo . . .

Ang kalagayan ng paglikha ay kalagayan ng pananaginip. Kung kailan, walang anu-ano, sadya kang tatalima sa isang hindi kilalang pangangailangan, susunugin mo ang isang bahay o itutulak ang iyong kaibigan mula sa tuktok ng bundok. Masasabi bang sa iyo ang kilos na ito? Malamang na iyo nga ito (dahil ikaw itong natutulog, nananaginip!) Sa iyo—sa kaganapan ng iyong kalayaan. Ang kilos ng iyong sarili bilang kalikasan.