ni Charles Simic
para kay Li-Young Lee
aking salin
Maliit ang pag-asang mahanap pa iyon.
Para bang tinawag ka ng isang babae
At hiningan ng tulong upang hanapin
Ang nawala niyang perlas sa kalsadang ito.
Maaaring inimbento lang niya ang lahat,
Maging ang mga luha, sabi mo sa iyong sarili,
Habang naghahanap ng perlas sa iyong talampakan,
Nag-iisip, Kahit pa isang milyong taon . . .
Isa lamang ito sa mga hapon ng tag-init
Kung kailan kailangan ng magandang dahilan
Upang iwanan ang lamig ng lilim.
Samantala, ano na kaya ang nangyari sa babae?
At bakit, taon na ang nakalipas, ganyan ka pa rin,
Panaka-nakang tumititig sa lupa
Habang nagmamadaling dumalo sa kung anong miting
Kung saan nakatitiyak ka nang ikaw ay mahuhuli?