Hun 26, 2012

Tore ng Babel

ni Wisława Szymborska
aking salin


Anong oras na? — Ay, napakaligaya ko;
kailangan na lang magsabit ng kuliling sa aking leeg
upang kumuliling ito sa iyong pagtulog.
Hindi mo ba naulinigan ang bagyo? Niyanig ng habagat
ang mga dingding; ang tarangkahan ng tore,
parang bunganga ng leon kung maghikab
sa mga besagrang lumalangitngit.
— Paano ka nakalimot?
Suot-suot ko pa naman ang damit na kulay abo
na naikakabit sa balikat. — Sa sandaling iyon,
mga pagsabog ang yumanig sa alapaap.
— Paano ako
papasok? Gayong hindi ka nag-iisa. — Aking nasulyapan
ang mga kulay na matanda pa sa paningin.
— Sayang,
hindi mo kayang mangako. — Tama ka, malamang
isa lang itong panaginip.
— Bakit puro kasinungalingan;
bakit mo ako tinatawag sa kanyang pangalan;
mahal mo pa ba siya? — Nais ko siyempre
ang manatili ka sa aking piling.
— Hindi ako maaaring
dumaing dahil ako mismo ang dapat nakapansin.
Iniisip mo pa ba ang lalakeng iyon? — Pero hindi ako umiiyak.
Wala na bang iba? — Walang iba kundi ikaw.
Ang maganda sa iyo, tapat ka. — Huwag kang mag-alala,
lilisanin ko ang bayang ito. — Huwag kang mag-alala,
aalis ako.
— Napakaganda ng iyong mga kamay.
Lumang kasaysayan iyan; tumagos man ang talim
hindi natamaan ang buto.
— Wala kang dapat alalahanin,
mahal ko, wala kang dapat alalahanin. — Hindi ko alam
kung anong oras na, at wala akong pakialam
.

Walang komento: