Hul 26, 2012

A—

Magkaibigan ba tayo noong umalis ka? Sa aking banda, alam ko ang sagot at hindi nagbabago, na nagtuturo ako upang dumami ang katulad mo.

Nang sinulat ko ang testimonyang ito sa iyong Friendster (noong buhay pa ang Friendster), may nag-akala sigurong gusto ko lamang manghila ng mga sasapi sa sinalihan mong grupo. Hindi ito totoo. Maraming kasapi ng iyong grupo, mapa-bagito o matanda, ang malayo sa iyong pagkatao. Malalapit mo pang kaibigan ang iba, mga tinitingala mo. Mga katulad kong tumitingala sa iyo.

Kung gayon, ano? Ang iyong utak ba ang pinag-uusapang ideyal? Matalas ka kung sa matalas, bilang makata, dyarista, bilang estudyante nitong daigdig ng punyagi, parikala, pakikipagsapalaran. Ngunit alam kong alam mo na hindi sapat ang utak, sapagkat sandata lamang ang utak, at pagdating sa anumang sandata, hindi ito tungkol sa kung ano ang hawak mo, tungkol ito sa iyong pagdadala sa anumang iabot sa iyo, anumang mapulot o mahablot, at kung saan ito itututok, kung paano ito gagamitin.

At kay-ingat mo sa mga walang sandata.

Ngunit baka hindi kita kilala, baka may bahagi ka ring katulad nitong sa akin, na papayag na matamaan silang mga aali-aligid, matalsikan ng basag na salamin, mabunggo ng mga taong sumusugod o umaatras, sapagkat ikaw ay makailang beses nang nasaktan, nabawian ng mga kaibigan sa paraang hindi makatuwiran, sa kamay ng mga taong burak ang puso at walang halaga, at itong mga tao sa ating paligid, ano ngayon kung mabundol sila, magurlisan, mga wala silang alam (utak bilang sandata) at ano ang sukat ng kanilang pagdurusa sa iyong pagdurusa (pagdurusa bilang sandata)?

Kung hindi ang iyong kinabibilangan o iyong pag-iisip, ano? Boses mo, ngiti? Namumuro na tayo, malapit na.

Ano kaya ang pusisyon mo sa mga nangyayari ngayon? Maaaring magkasundo tayo, maaaring hindi. Maaaring sasama ang loob natin sa isa't isa, tatahimik ng ilang saglit, maiilang.

Tapos magkikita tayong muli, isang buwan o taon ang lilipas. Ngingiti sa isa't isa. Tatambad ang ngiti mong hindi peke, na lagi't laging hindi peke, na agad pinapaalala sa aking may ngiti rin akong hindi peke, nakasilid kung saan, naghihintay sa iyo at sa mga inaakala kong katulad mo.

Ngunit hindi na tayo magkikita muli.