Hul 26, 2012

Ang mongheng naghahanap ng isang tao

ni Rumi
aking salin


Isang umaga sa tiangge, may isang mongheng nagtatatakbo, may kandila sa kanyang kamay, hitik sa silakbo at alab ng pag-ibig ang kanyang puso.

'Huy, ikaw!' sigaw ng isang pakialamero. 'Ano bang hinahanap mo't kanina ka pa paroo't parito sa mga tindahan? At bakit paikot-ikot ka, may dala ka pang kandila gayong tirik na tirik ang araw? Anong kalokohan ito?'

'Hinahalughog ko ang lahat ng lugar upang matagpuan ang isang tao,' sabi ng monghe. 'Ang taong nabubuhay ayon sa buhay niyong Hinga. May ganito bang tao?"

'Isang tao? Heto, punong-puno itong tiangge,' ang sagot sa kanya. 'Aba'y napakaraming tao, dakilang pantas.'

'A,' wika ng monghe, 'ngunit ang gusto ko'y ang taong makapagpapatunay sa kanyang sarili bilang isang tao sa kalsadang dalawa ang landas, kapwang nasa landas patungong poot at sa mismong sandali ng pagnanasa. Nasaan ba ang taong tunay na tao sa oras ng galit at oras ng libog? Itong paghahanap ang dahilan kumbakit pabalik-balik ako sa mga lansangan. Nasaan ba sa kabuuan nitong daigdig ang taong totoo sa dalawang estadong ito, nang maialay ko ang aking buhay sa kanya?'