ni Stephen Spender
aking salin
Bakit hindi magawa niyong mabuti,
Mapagkawanggawa, mapangyayari,
Mapangwakas na kalapati ang manaog?
At niyong trigo na mahati?
At niyong mga sundalo na mapauwi?
At niyong mga hadlang na matungkab?
At niyong mga kaaway na mapatawad?
At na wala nang paghihiganti?
Sapagkat ang manlulupig
Ang bitktima ng sarili kapangyarihang
Nagpapanday ng kanyang kalooban
Mula sa takot sa naunang takot:
Ginugunita niya ang kahapon
Noong silang ngayo'y kanyang pinupuksa
Ang sumira sa kanyang bayaning-ama
At pinalibutan ang kanyang kuna
Ng mga maalamat na pighati.
Ngayon, itong araw ng kanyang tagumpay
Ang nagkukubli sa gabing nababalisa't
Baka patunayan ng mga anak ng pinatay
Na sila'y nakapagbinhi ng mga ipin ng dragon
Sa paglubog ng kanilang araw,
Upang bukas ay sumikat
Sa duguang langit at dagat
At muli, maipaghiganti ang mga ama.
At silang mga susuko
Sa larangan ng walang-laban,
Maaaring panagimpan ang mga banal na katwiran
Ng pagpapatawad, ngunit aba
Nalalaman nila ang kanilang ginawa
Sa kasikatan ng kanilang araw.
Sapagkat ang daigdig ay ang daigdig
At hindi para ang pinaslang
O ang pumaslang ang magpatawad
At wala itong sinusulat na mga kasaysayang
Nagwawakas sa pag-ibig.
Ngunit sa ilalim ng mga kadena ng alon
Na gumagasgas sa kawalan ng pag-asa,
Hindi naglalaho ang kahilingan ng pag-ibig.