ni Charles Simic
aking salin*
Mahirap patunayan ang halata.
Mas pinipili ng nakararami
Ang kubli. Maging ako.
Pinakikinggan ko ang mga puno.
Mayroon silang lihim
At sandali na lamang bago
Ibunyag ito sa akin,
Nang kanilang binawi.
Dumating ang tag-init. Bawat puno
Sa aking kalsada'y may sariling
Scheherazade. Ang aking mga gabi,
Naging bahagi na ng kanilang mailap
Na kuwentuhan. At kami'y
Pumapasok sa mga madidilim na bahay,
Parami nang paraming madidilim na bahay,
Panay tahimik at pinabayaan.
May isang taong nakapikit
Sa isa sa mga matataas na palapag.
Dahil sa pag-iisip dito, dahil sa pagkamangha,
Hindi ako makatulog-tulog.
Hubad at malamig ang katotohanan,
Ang sabi ng babaeng
Palaging nakasuot ng puti.
Hindi siya gaanong lumalabas ng silid.
Itinuro ng araw ang isa o dalawang
Bagay na buong nakaligtas
Mula sa mahabang gabi,
Mga pinakasimpleng bagay,
Na mahirap patunayan sapagkat halata.
Hindi sila nag-iingay.
Iyon ang tipo ng araw
Na itinuturing na "tamang-tama."
Mga diyos na nagkukunwari
Bilang mga itim na aguhilya? Isang salamin?
Paynetang nakulangan ng isang ipin?
Hindi! Hindi ganito.
Basta ang mga bagay at kung paano ang mga ito,
Hindi kumukurap, walang kaimik-imik
Sa maliwanag na ilaw,
At ang mga punong naghihintay sa gabi.
NB: Nirebisa ang salin na ito pagkatapos kong mabasa ang adaptasyon ni Acuña.