Hul 14, 2012

Mga Malalayong Hakbang

ni César Vallejo
aking salin


    Natutulog ang aking ama. Ang kanyang maharlikang mukha
ay nagpapahiwatig ng mapayapang puso;
kaytamis niyang tingnan ngayon . . .
kung may anumang mapait sa kanya, tiyak na ako iyon.

    May kapanglawan sa bahay; may pagdarasal;
at wala ngayong balita tungkol sa kanyang mga anak.
Naalimpungatan ang aking ama, pinakikinggan
ang lipad pa-Ehipto, ang paalam na panakip-sugat.
Napakalapit na niya ngayon;
kung may anumang malayo sa kanya, tiyak na ako iyon.

    Naglalakad ang aking ina sa halamanan banda roon,
nilalasap ang lasang wala nang lasa.
Napakabanayad na niya,
labis na pakpak, labis na paglisan, labis na pag-ibig.

    May kapanglawan sa bahay na walang maririnig,
walang balita, walang luntian, walang kabataan,
at kung may anumang nawasak ngayong hapon,
at kung may nahuhulog, kung may lumalangitngit,
iyon ang dalawang lumang landas, puti at kumikilo,
at nilalakaran ang mga ito ng aking puso.