ni Amiri Baraka
aking salin
Bumalik siya at bumaril. Binaril niya siya. Nang siya ay
nanumbalik, bumaril siya, at natumba siya, nagpasuray-suray, lagpas sa
aninong kahoy, pababa, nabaril, naghihingalo, patay, ganap na pagtigil.
Sa ibaba, nagdurugo, pinaslang. Namatay siya noon, doon
pagkabagsak, ang kumakaripas na bala, pumunit sa kanyang mukha
at dugong tumilamsik nang pino sa mamamaslang at sa abuhing liwanag.
Mga litrato ng patay na tao, sa buong paligid. At ang kanyang kaluluwang
sumisipsip sa liwanag. Ngunit namatay siya sa kadilimang madilim pa
sa kanyang budhi at ang lahat na bulag na nagpasuray-suray nang naghihingalo siya
pababa ng hagdan.
Wala tayong balita
sa mamaslang, maliban sa bumalik siya, mula sa kung saan
upang gawin ang kanyang ginawa. At isang beses lamang binaril ang kanyang biktimang
tumititig, at agad itong iniwan nang maubos ang dugo. Alam nating
ang mamamaslang ay mahusay, mabilis, at tahimik, na ang bikitima'y
maaaring nakakakilala sa kanya. Maliban dito, maliban sa namuong asim
ng bungad ng mukha ng namatay, at sa malamig na sorpresa sa pagkakakabit
ng kanyang mga kamay at daliri, wala tayong nalalaman.