ni Ted Hughes
aking salin
Sa iyong ikaanimnapung kaarawan, sa liwanag ng keyk,
Nakaupo si Ariel sa buko ng iyong kamay.
Pinapakain mo ito ng mga ubas, isang itim, tapos berde,
Mula sa mga labi mong nakatikom na parang isang halik.
Bakit lubha kang taimtim? Nagsisitawa ang lahat,
Animo'y sa pasasalamat, ang buong pagtitipon—
Mga lumang kaibigan at mga bagong kaibigan,
Ilang tanyag na awtor, ang iyong pulong ng matatalas mag-isip,
Mga pabliser at mga doktor at mga propesor,
Ang mga mata nilang gusot sa malugod na pagtawa—
Natawa maging ang magugulang na amapola, may nalagasan ng talulot.
Nanginginig ang mga tungki ng kandilang
Wala nang mapaglamanan ng kaligayahan. At ang iyong si Inay
Ay tumatawa sa bahay ng matatanda. Ang iyong mga anak
Ay tumatawa mula sa magkabilang gilid ng globo. Ang iyong Itay,
Tumatawa sa lalim ng kanyang kabaong. At ang mga bituin,
Siyempre, kahit ang mga bituin, nangangaligkig sa katatawa.
At si Ariel—
Paano naman si Ariel?
Masaya si Ariel sapagkat narito siya.
Tanging ikaw lamang at ako ang hindi ngumingiti.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento