Ago 6, 2014

A—

Wala akong nabuo para sa iyo ngayon. May naisalin, oo, pero hindi para sa iyo. Wala naman akong panata o kung anuman, pero parang mas maganda lang na may kung ano. Na para sa iyo lang. Nagpakulo ako ng tubig sa kahoy, ayun, pero hindi rin para sa iyo. Ni hindi rin para makapagkape kami rito. Mas para sa kahoy pa nga yata, nang hindi masayang.

Nag-aamoy-usok ang mga damit dito, at ako, pero ano ngayon kung ilalayo o ilalapit sa iyo ng hangin ang usok dito?

Alam mo, parang napakanatural na nakapaglakad tayo rito sa amin, sa lower campus, kahit hindi naman iyon talagang nangyari at sa CCP pa tayo huling nagkita. Nga lang, ayun, napakanatural lang kasi. Siguro makalipas lang ang lima o pitong taon, makukumbinse ko na ang aking sarili na nangyari ang paglalakad na iyon, tamang lakad lang sa Carabao Park, sa may DevCom, tumatawa ka at hindi ako tumututol. Kanina, matagal-tagal rin akong tumigil para lang seguruhing hindi talaga naganap ang pangyayaring ito, na napakanatural nga kasing isiping nangyari. Nasa likod ang iyong mga kamay, nakatuon sa aking mga salita ang kabuuan ng iyong pansin, at napapahiya ako dahil sa iyong paraan ng pakikinig, tutok na tutok, napakamapagbigay kung tumango, napakatindi ng pagdulog, ng paghihintay... pero sa... ano? Instruksyon? Ramdam ko tuloy ang aking kakulangan bilang kausap; sana'y may masasabing kahit ano basta okey sa iyo, pero ayun, mukhang wala. At hindi na kailan pa magkakaroon.

Buti na lang at hindi kita pinagsayang ng oras, hindi ka niyayang magbiyahe papunta rito. Kung tutuusin, marami ka namang maaaring maging pakay rito. Maililibre naman kita ng, ewan, shawarma? Pero ayun, mas maganda kung may iba kang kikitain at kung sadyang mas matagal ang panahon mo sa kanila.

SIPI PARA SA AKIN, BUKAS, MAKALAWA, AT SA PANAHON NG HIGIT NA PAG-UULYANIN: HINDI KAMI NAGKITA NI A— SA LB. SA CCP KAMI HULING NAGKITA.

Excuse tol ha? Hehe. Ipinaskil ko lang para klaro.

Hindi nga pala ako nakadalo sa SONA. Parang gusto kong mag-sorry sa iyo, paumanhin-paumanhin, pero bakit nga ba e hindi ka rin naman nakapunta. Huy, maligayang ha? Ingat diyan.

Walang komento: