ni Sor Juana Inés de la Cruz
aking salin
Ngunit hindi iyon ipinahintulot ng taong ito, ipinahayag pa nga bilang isang tukso. At sa katunayan, maaaring ganoon ang kalabasan. Kung kakayanin mang pagbayaran ang kahit bahagi lamang ng aking pagkakautang sa iyo, Kamahalan, nagtitiwala akong ganito nga ang aking ginagawa ngayon sa pagbubunyag ng mismong bagay na ito, sapagkat hindi pa sumasayad ang mga salita sa aking mga labi maliban ngayon, para sa taong dapat pagsabihan ng mga ito. Ngayon, tumuntong ka na rito, lagpas sa bukas na bukas na mga pinto ng aking puso, ngayon na isinangkot na kita sa mahigpit na lihim nito, batid mong kasukat ng aking pagtitiwala ang aking pagkakautang sa iyong kapita-pitagang pagkatao at sa iyong labis-labis na pagtangkilik.
Sa pagpapatuloy ng aking pagsasalaysay ng aking pagkahilig, bagay na nais ko sanang ikuwento sa iyo nang buo, ni hindi ko pa natutuntong ang aking ikatlong kaarawan nang ipinadala ng aking ina ang isa sa mga nakatatanda kong kapatid upang matuto sa isang paaralan para sa mga babae na tinatawag na amigas. Bumuntot ako dala na rin ng aking pagmamahal sa kanya, at dahil sa sariling pagkagalak. Nang nakita kong tinuturuan siya ng liksyon, nagbaga ang aking kalooban sa kagustuhang matuto ring magbasa, at umabot ito sa puntong sinabi ko sa maestra na ipinadala rin ako ng aming nanay upang matuto, at inakala ko pang naloko ko siya. Hindi siya naniwala rito, sapagkat hindi kapani-paniwala, ngunit pinagbigyan pa rin ang aking kapritso. Patuloy akong pumasok, at patuloy niya akong tinuruan, ngunit hindi na bilang isang laro dahil hinawi ng karanasan ang panloloko. Sa napaka-igsing panahon lamang ay natuto na akong magbasa, at marunong na ako bago pa ito natuklasan ng aking ina. Inilihim ito ng maestra upang sorpresahin ang aking ina at baka rin sakaling makatanggap ng pasobra para sa kanyang punyagi. Ako nama'y nanahimik sa pag-aakalang matatamaan ako sapagkat ginawa ko ito nang walang pahintulot.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento