Tinadtad ang mga ideya at isinahog ang kambal-dila para sa salusalong ito. Sana may sustansya. Masimot man o hindi, tanggapin ang aking pasasalamat sa iyong pagtikim.
Hun 16, 2025
TATAY CENTO
ng iyong mga nalalaman, sapagkat ano ang silbi
kasama ang mga sapot na sumabit
Then it's treasure
"naniniwala ako sa iyo anak"
a double rainbow
everytime you reached for the bread-of-salt
and manufactured cheese, a promise
sa pag-asang mahuli ang kumain
Na noo'y naputulan ng dila
Ang nakasupot nang kaputol ng bagis
ang karapatang magpasya
__________________________
mula sa mga linya sa Mountain Beacon nina Mark Vincent Dela Cruz, Ron Atilano, Marvin Marquez, Maggie Fokno, Francis Rey Arias Monteseña, Billy T. Antonio, Homer B. Novicio, CJ Peradilla, Nichael Lumakang Conje, Pinky Aguinaldo, Harold Fiesta, at Edelio De los Santos
Abr 24, 2025
CORDILLERA CENTO
Before harvest past the artery
ng pumanaw, inaanod sa ilog ng ulop at hamog
Sa aming silid. Naging patakaran ang pagsunod. Nilapag niya
Kaya hindi tayo nag-iigib ng tubig upang malunasan
ang lahat ng dapat hindi inisip
sa pamumulaklak ng lalaking papaya
kapag magkasama tayong sumagwan sa Chico River
Matalik na kaibigan
__________________________
mula sa mga linya nina April Bewell, CJ Peradilla, Ron Atilano, Jovener Sotelo Soro, Glen Sales, Francis Rey Arias Monteseña, Harold Fiesta, Jennylyn De Ocampo Asendido, Mark Vincent Dela Cruz, at Steven Claude Tubo
Abr 8, 2025
CENTO NG SAKRIPISYO
Nob 12, 2024
Only the lonely
Saw a foot-long whip snake this morning on Pinky’s indoor bike. Must’ve slithered in from a hole in the window screen. Third time I encountered this type of snake. Did a shahai on the first one.
Fortunately, I spotted this after two trips of sending the kids out to school. Expert friends (Joshua, Rei, and Sir Jun Lit) identified it as either Philippine whip snake or red whip snake, both classed as mildly venomous. Mating season is from November to January, Rei warns, so I should be wary of a possible hidden other.
It was docile, and I’d hate to harm it. We used two laundry hanging rods to safely lead it away. Clumsy first attempts, but after figuring out its movement pattern (sidewinds to counter and escape) all that was needed was to keep it from seeking refuge in dark underspaces, fish it out immediately if it does, clear a path, and rush it out the door. Must be what hockey feels like.
Pinky asked what I thought when I found it, like, if mortality entered the picture. It didn’t. Or, it wasn’t the first or second thing. I puzzled over how I even noticed it. When I found it, the snake rested along the grooves of the indoor bike’s tread, head down, unmoving, perfectly camouflaged. By all accounts, I should’ve missed it.
Later, during our fetching rounds, Pinky remembered how she once joked with Mang Luis, the housing office foreman, who once rounded up his crew to help us with a meter-long monitor lizard that managed to gain entry. “Mang Luis, may ahas sa bahay! Nakatuwalya pa!”
We lost Mang Luis early this year. Now I’m thinking of the late Telesforo Sungkit, who we call Jun, who I tease with “Kabesang Tales,” an endearment which he maybe didn’t like (he’d smile just the same). He used to hunt snakes. Jun said they were more afraid of us than we were of them. That singular line has guided these few and far in between encounters with Ronald’s “danger noodle” and A’s “stringy boi”.
Set 27, 2017
Ikadalawampu’t isang sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Sapagkat may mga paksaing nakikipagpaligsahan sa iba. Sadyang totoo ito para sa mga disiplinang nangangailangan ng ensayo. Maliwanag na habang kumikilos ang panulat ay nagpapahinga ang bruhula, at habang tinutugtog ang arpa, tahimik ang organo, et sic de caeteris. Dahil ito sa matinding gamit sa katawan na kinakailangan upang makamit ang kasanayan, at walang sino man sa mga sumusubok sa mga kasanayang ganito ang nakakakamit ng rurok ng kaalaman sa higit sa isa. Ngunit pagdating sa mga paksang pormal at spekulatibo, kabaligtaran ang umiiral. Nais kong himukin ang lahat ng tao, batay sa aking karanasan, na bukod sa hindi nila hinahadlangan ang isa’t isa, sa katunaya’y nagtutulungan pa sila, nagbibigay-liwanag at nagbubukas ng mga landas tungo sa isa’t isa, sa pamamagitan ng mga pagkakaiba-iba at mga kubling kaugnayan.
Set 9, 2017
Ikadalawampung sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
At sapagkat walang partikular na interes ang humihila sa akin, at walang hangganan ng panahon ang nagtatali sa akin sa patuloy na pag-aaral ng isang bagay bilang paghahanda sa pagsusulit, sabay-sabay kong pinag-aaralan ang magkakaibang paksain, o nagpapalipat-lipat mula sa isa tungo sa isa pa. Ngunit sa lahat ng ito’y nagpapatuloy ako ayon sa isang pagkakasunod-sunod, dahil may ilang paksaing nakalaan sa pagkatuto, at may ilang para sa katuwaan. Itong huli ang nagsisilbing pahinga mula sa una. Ang kinalabasan, marami akong inaral at wala akong alam.
Set 4, 2017
Ikalabing-siyam na sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Kaya’t paanong ako, na kay layo sa pagkatuto at kagandahang-asal, magkakaroon ng lakas ng loob na magsulat? Upang makabuo ng sandigan, patuloy akong nag-aral ng magkakaiba’t magkakalayong mga paksain nang hindi nahihilig sa iisa kundi sa lahat. Ang kinalabasan nito, tuwing nangyayaring mas pinag-aralan ko ang isang paksain nang higit sa iba, ito’y hindi bunga ng kagustuhan kundi sadyang mas maraming aklat sa naturang paksain ang inabot sa akin ng pagkakaton, at hindi naman talaga ako nahahayaang pumili.
Hul 9, 2017
Ikalabing-walong sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Sa aklat ni Job, nagwika sa kanya ang Diyos: Numquid coniungere valebis stellas Pleiades, aut gyrum Arcturi poteris dissipare? Numquid producis Luciferum in tempore suo, et Vesperum super filios terrae facis? Hindi maaaring maunawaan ang terminolohiyang ito kung walang astronomiya. At hindi lamang ito sa kaso ng mga dakilang agham.
May 17, 2017
Ikalabing-pitong sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Sadyang kahiya-hiya para sa ganitong karurunong na magulang kung lalabas na walang alam ang anak. Ito ang natiyak ko nang mag-isa, at mukhang akma nga ito sa akin. Gayumpaman, maaaring nagawa ko ito (sa halip, tunay ngang ginawa ko ito) upang palakpakan at pakapurihin ang aking aking pagkahilig sa pamamagitan ng pagtatalaga bilang pananagutan ang bagay na kung tutuusi'y kaligayahan ko namang talaga.
May 9, 2017
Ikalabing-anim na sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Nanumbalik ako, o mas tamang sabihin, dahil hindi naman talaga ako tumigil matuto, nagpatuloy ako sa pag-aaral, na hindi trabaho para sa akin kundi pamamahinga. Sa bawat sandaling naiwan sa akin makaraang matupad ang lahat ng tungkulin, nagbasa ako nang nagbasa at nag-aral nang nag-aral, na walang guro maliban sa mga aklat mismo. Isipin mo na lang kung gaanong kahirap mag-aral na wala kang ibang kasama maliban sa mga tauhang ito na walang mga kaluluwa, wala ang buhay na tinig at paliwanag ng isang guro. Lahat nitong pagod at hirap na nalagpasan ko'y aking ikinagalak nang dahil sa pagmamahal ko sa pagkakatuto.
Dis 20, 2014
Ikalabing-limang sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Sa huling layuning ito, na kung tutuusin nama'y pinakamahalaga, dito ko isinuko ang aking sarili at pinasakop ang lahat ng maliliit at walang-halagang katangian ng aking pagkatao, gaya ng kagustuhang mamuhay mag-isa at pag-ayaw sa ano mang pananagutang sasagka sa kalayaan kong mag-aral, o sa ingay ng samahan, na sasabad lamang sa mapayapang katahimikan ng aking mga aklat.
Dis 17, 2014
Ikalabing-apat na sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Naaalala ko ang mga araw na iyon, na kahit husto naman ang gana ko sa pagkain, akma para sa isang bata sa ganoong edad, tinigilan ko ang pagkain ng keso dahil narinig kong nakakabobo raw ito. Para sa akin, higit na malakas ang kagustuhang makaalam kaysa gana sa pagkain, malakas man ang ganang iyon sa mga bata. Paglaon, noong ako'y mga anim o pitong taong gulang na, noong alam ko na kung paano magsulat at magbasa pati kung paano tapusin ang mga gawaing-bahay at panunulsi na inaaral ng mga kababaihan, narinig kong may pamantasan sa lungsod ng Mexico, at marami pang ibang paaralan, kung saan maraming kursong maaaring matutunan. Agad kong kinulit nang kinulit ang aking ina at lubos na nagmakaawa upang bihisan ako bilang lalaki at ipadala sa lungsod ng Mexico, sa bahay ng ilang kamag-anak niya roon, upang mag-aral at kumuha ng mga kurso sa pamantasan. Hindi niya nagustuhan ang planong ito, at mabuti na nga rin. Gayumpaman, pinunuan ko ang pagnanasa sa kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng marami at sari-saring mga aklat ng aking lolo, at hindi ako napigilan ng kahit ano pang paninisi o pagpaparusa. Kaya naman noong nakarating ako sa lungsod ng Mexico, namangha ang mga tao hindi pa nga sa aking kakayahan kundi sa aking mga nakabisa, sa dami ng kaalamang aking naisapuso sa edad na mukhang wala pa nga akong sapat na panahon upang matutunan kung paano magsalita.
Sinimulan kong aralin ang Latin at, sa pagkakatanda ko, nakakuha ako ng hindi hihigit sa dalawampung liksyon. Kay tindi ng aking alagata na kahit pa napakahalaga para sa kababaihan, lalo sa mga namumulaklak na dalagita, ang likas na palamuti ng kanilang buhok, ginugupit ko ang akin ng mga apat hanggang anim na pulgada, sinusukat ang dati nitong haba at ipinasasailalim ang aking sarili sa ganitong paghihigpit, na kung hindi pa ako natututo nang sapat na kaalaman at humaba nang muli ang aking buhok, kailangan ko itong putulin agad bilang parusa sa aking katangahan. Nangyari namang tumubo na ulit ang buhok nang hindi ko naaabot ang aking itinakdang antas ng kaalaman, at dahil mabilis humaba ang aking buhok samantalang kay bagal kong matuto, lagi't lagi ko itong ginugupit dahil sa aking katangahan. Mukha kasing hindi katanggap-tangap na naapaganda ng buhok ang isang ulong wala naman talagang karunungan, ang tunay na kaiga-igayang gayak.
Nob 19, 2014
Ikalabing-tatlong sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Ngunit hindi iyon ipinahintulot ng taong ito, ipinahayag pa nga bilang isang tukso. At sa katunayan, maaaring ganoon ang kalabasan. Kung kakayanin mang pagbayaran ang kahit bahagi lamang ng aking pagkakautang sa iyo, Kamahalan, nagtitiwala akong ganito nga ang aking ginagawa ngayon sa pagbubunyag ng mismong bagay na ito, sapagkat hindi pa sumasayad ang mga salita sa aking mga labi maliban ngayon, para sa taong dapat pagsabihan ng mga ito. Ngayon, tumuntong ka na rito, lagpas sa bukas na bukas na mga pinto ng aking puso, ngayon na isinangkot na kita sa mahigpit na lihim nito, batid mong kasukat ng aking pagtitiwala ang aking pagkakautang sa iyong kapita-pitagang pagkatao at sa iyong labis-labis na pagtangkilik.
Sa pagpapatuloy ng aking pagsasalaysay ng aking pagkahilig, bagay na nais ko sanang ikuwento sa iyo nang buo, ni hindi ko pa natutuntong ang aking ikatlong kaarawan nang ipinadala ng aking ina ang isa sa mga nakatatanda kong kapatid upang matuto sa isang paaralan para sa mga babae na tinatawag na amigas. Bumuntot ako dala na rin ng aking pagmamahal sa kanya, at dahil sa sariling pagkagalak. Nang nakita kong tinuturuan siya ng liksyon, nagbaga ang aking kalooban sa kagustuhang matuto ring magbasa, at umabot ito sa puntong sinabi ko sa maestra na ipinadala rin ako ng aming nanay upang matuto, at inakala ko pang naloko ko siya. Hindi siya naniwala rito, sapagkat hindi kapani-paniwala, ngunit pinagbigyan pa rin ang aking kapritso. Patuloy akong pumasok, at patuloy niya akong tinuruan, ngunit hindi na bilang isang laro dahil hinawi ng karanasan ang panloloko. Sa napaka-igsing panahon lamang ay natuto na akong magbasa, at marunong na ako bago pa ito natuklasan ng aking ina. Inilihim ito ng maestra upang sorpresahin ang aking ina at baka rin sakaling makatanggap ng pasobra para sa kanyang punyagi. Ako nama'y nanahimik sa pag-aakalang matatamaan ako sapagkat ginawa ko ito nang walang pahintulot.
Okt 31, 2014
Ikalabing-dalawang sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Hindi ako nag-aaral upang magsulat, at lalong hindi upang magturo (na para sa akin ay di magkatimbang na pagmamalaki), ngunit upang makita kung kakayanin sa pamamagitan ng pag-aaral na mabawas-bawasan ang aking kamangmangan. Ito ang aking tugon; ito ang aking mga saloobin.
Ang magsulat ay hindi ko naging pasya kailanman at bunga ng mga kapangyarihang labas sa akin, kung kaya't sa katunaya'y maaari kong sabihin sa kanila: Vos me coegistis.
Okt 30, 2014
Ikalabing-isang sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Sapagkat, ayon sa husga ng mga naninirang-puri sa akin, hindi ko tungkulin ang makaalam at wala naman akong kakayahang magtagumpay, kaya kung sakaling magkamali ako, hindi ito isang pagkukulang, at hindi ito kasiraan sa aking mabuting pangalan. Hindi ito kakulangan dahil wala naman akong tungkulin, at hindi ito kasiraan dahil hindi naman ako maaaring magtagumpay at ad impossibilia nemo tenetur. Sa katunayan, wala pa akong naisusulat kung saan hindi ako pinilit nang labag sa aking kalooban, at para lamang sa kaligayahan ng iba, at hindi lamang sa walang kaligayahan, kundi may tiyak na pagkamuhi, sapagkat kailanma'y hindi ko kinilala ang aking sarili bilang dalubhasa o nagtataglay ng gayong uri ng dunong na may kaakibat na tungkulin upang magsulat. Ito ang aking karaniwang tugon sa mga nanghihimok na ako'y magsulat, at lalo pa kung kasangkot ang mga banal na paksa. Ano ba ang taglay kong pang-uunawa, ano ang pinag-aralan, ano ang materyales, o kaalaman dito, maliban sa apat na paimbabaw na katibayan? Ipinauubaya ko ang mga bagay na ito sa mga nakauunawa.
Okt 21, 2014
Ikasampung sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
At dahil dito'y inaamin kong makailang-beses nang hinablot nitong takot ang panulat mula sa aking kamay at napilitan akong ilayo sa aking isipan ang pag-unawa sa mga paksang kaakit-akit dito.
Okt 19, 2014
Ikasiyam na sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Natigilan ako sa tanong na ito, dagdag pa nang nakitang maging ang mga kalalakihang maalam ay pinagbabawalang magbasa ng Awit ng mga Awit at maging ang Genesis hanggang hindi pa sila lagpas tatlumpung taong gulang, gaya ng lubos na naiintindihan ng aking dakilang amang si San Geronimo (ang Genesis sapagkat malabo ito at hindi agad mauunawaan, at ang Awit ng mga Awit nang hindi maging pagkakataon ang tamis ng awit-kasalan upang bigyang kahulugan ng mga mapusok na kabataan bilang pag-iibigan ng laman sa laman). Sa kadahilanan ding ito, ipinayo niyang ihuli ang pag-aaral sa Awit ng mga Awit. Ad ultimum sine periculo discat Canticum Canticorum, ne si in exordio legerit, sub carnalibus verbis spiritualium nuptiarium Epithalamium non intelligens, vulneretur. At ani Seneca, Teneris in annis haut clara est fides.
Okt 14, 2014
Ikawalong sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Bagamat binihisan ito bilang payo, dala nito para sa akin ang laman ng isang utos. Hindi maliit ang pampalubag-loob na, bago pa ito, mukhang napangunahan ng aking pagiging masunurin ang mga payo at gabay mo bilang pastol, gaya ng mahihinuha sa paksa at mga patunay ng mismong Liham. Alam ko namang hindi maaaring iyon ang tinutukoy ng iyong mahal na babala, kundi ang iba ko pang mga sulatin hinggil sa mga pinagkakaabalahan ng mga tao.
Okt 11, 2014
Ikapitong sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Sino ang nagpalimbag ng Liham nang hindi nagpapaalam sa akin? Sino ang nagbigay dito pamagat? Sino ang nagtustos ng upang ipalimbag? Sino ang lubos na nagparangal sa bagay na ito (ito bilang ang liham mismo at ang may-akda, mga hindi karapat-dapat)? Ano ang hindi niya gagawin? Ano ang hindi niya patatawarin? Ano ang hahayaan niyang hindi nagagawa, at ano ang hahayaan niyang hindi napapatawad?
Okt 5, 2014
Ikaanim na sipi mula sa “Tugon sa Lubos na Kapita-pitagang Sor Filotea”
aking salin
Nakakayanan ko lamang na magpasalamat sa iyo sa pamamagitan ng pagsabing hindi ko kakayaning magpasalamat sa iyo. Sasabihin ko lang ito bilang maigsing tanda ng ano mang iniiwan ko sa katahimikan, na sa kadahilanan lamang ng aking tiwala sa iyong pagkiling at sa pangangalaga ng iyong tangkilik kaya ako nangangahas kumausap sa iyong kadakilaan. Kung kahangalan ito, ipagpatawad, sapagkat kahangalan ang punong hiyas ng galak. Sa tulong nito'y makapag-aambag pa ako ng laman para sa iyong kagandahang-loob, at mabibigyan mo pa ng mas mainam na hugis ang aking pasasalamat.
Dahil nabulol siya, hindi kinilala ni Moises kanyang ang sarili na karapat-dapat upang makipag-usap sa paraon.