ni Sor Juana Inés de la Cruz
aking salin
Naaalala ko ang mga araw na iyon, na kahit husto naman ang gana ko sa pagkain, akma para sa isang bata sa ganoong edad, tinigilan ko ang pagkain ng keso dahil narinig kong nakakabobo raw ito. Para sa akin, higit na malakas ang kagustuhang makaalam kaysa gana sa pagkain, malakas man ang ganang iyon sa mga bata. Paglaon, noong ako'y mga anim o pitong taong gulang na, noong alam ko na kung paano magsulat at magbasa pati kung paano tapusin ang mga gawaing-bahay at panunulsi na inaaral ng mga kababaihan, narinig kong may pamantasan sa lungsod ng Mexico, at marami pang ibang paaralan, kung saan maraming kursong maaaring matutunan. Agad kong kinulit nang kinulit ang aking ina at lubos na nagmakaawa upang bihisan ako bilang lalaki at ipadala sa lungsod ng Mexico, sa bahay ng ilang kamag-anak niya roon, upang mag-aral at kumuha ng mga kurso sa pamantasan. Hindi niya nagustuhan ang planong ito, at mabuti na nga rin. Gayumpaman, pinunuan ko ang pagnanasa sa kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng marami at sari-saring mga aklat ng aking lolo, at hindi ako napigilan ng kahit ano pang paninisi o pagpaparusa. Kaya naman noong nakarating ako sa lungsod ng Mexico, namangha ang mga tao hindi pa nga sa aking kakayahan kundi sa aking mga nakabisa, sa dami ng kaalamang aking naisapuso sa edad na mukhang wala pa nga akong sapat na panahon upang matutunan kung paano magsalita.
Sinimulan kong aralin ang Latin at, sa pagkakatanda ko, nakakuha ako ng hindi hihigit sa dalawampung liksyon. Kay tindi ng aking alagata na kahit pa napakahalaga para sa kababaihan, lalo sa mga namumulaklak na dalagita, ang likas na palamuti ng kanilang buhok, ginugupit ko ang akin ng mga apat hanggang anim na pulgada, sinusukat ang dati nitong haba at ipinasasailalim ang aking sarili sa ganitong paghihigpit, na kung hindi pa ako natututo nang sapat na kaalaman at humaba nang muli ang aking buhok, kailangan ko itong putulin agad bilang parusa sa aking katangahan. Nangyari namang tumubo na ulit ang buhok nang hindi ko naaabot ang aking itinakdang antas ng kaalaman, at dahil mabilis humaba ang aking buhok samantalang kay bagal kong matuto, lagi't lagi ko itong ginugupit dahil sa aking katangahan. Mukha kasing hindi katanggap-tangap na naapaganda ng buhok ang isang ulong wala naman talagang karunungan, ang tunay na kaiga-igayang gayak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento