May sakit si Damian. Reading break ang mga ate. Si Maria lang ang hinatid namin. Gusto raw nila ng kanyang kaibigan ang magkaroon ng Kuromi Cafe. Kaibigan niya ang tagatimpla, siya ang “cafe servant”. Tinanong siya ni Pinky kung ano ang gusto niyang mangyari sa lugar nila. Nagbigay siya ng ilang detalye, halimbawa, magkakaroon sila ng Kuromi scanner para malaman kung paborito nila talaga si Kuromi.
“Paano kung mahilig nga sila kay Kuromi?”
“Mas mura! Parang may discount.”
·
Bakit kaya nagkasakit? “Itong panahon kasi talaga.” Hindi naman allergies o hika ano? “Hindi kaya stress?” Ayon kay Damian, nahahati ang klase sa mga girls at boys. Boys ang palaging nakakagalitan, kapag girls, pinapalagpas. Dahil president ka, hindi ka puwedeng mamili, kahit lalaki ka. Ang mahalaga sa iyo dapat ‘yung buong klase. Kesehodang may ginagawa ‘yung girls, hanggang sa hindi kayo maayos na maayos, mapupuna at mapupuna kayo. Dapat hindi talaga kayo problema ng klase. Hayaan mo na lang sila, kung nasaway mo na, ‘yun na ‘yun. Mag-aral ka na lang. Tiyakin mo lang na tahimik ‘yung officers mo. Tapos sana may makuha silang isa o dalawang kaibigan. Mag-aral na lang kayo. Kung ayaw makinig, tantanan mo na, uubo ka lang.
·
Hindi kami makatiyak kung kaninong ideya ang Kuromi scanner. “Mar, ano ang ideas mo? ‘Yung sa iyo lang ha.” Hindi siya agad nakatugon. Mukhang kolab talaga, ayaw umusad kung wala ang kaibigan. “Halimbawa ngayon, tatanungin ka. Ano ang gusto mong makita sa Kuromi cafe? Ano kaya?” Mamimigay sila ng Kuromi headbands. May mga paintings sa pader.
·
Isa sa paborito kong bahagi ng ARTS 1 ang diskusyon sa The Watcher ni Laura Muntz Lyall (1894, oil on canvas, 71.1 × 91.4 cm) kapag dadako na kami sa Impressionism. Ako ang naglagay nito sa module namin at aminado akong ayaw kong isentro ang mga karaniwang maestro.
Sa puntong ito ng semestre, napagdaanan na ng mga estudyante ang mga elemento at prinsipyo ng sining biswal. Madali nilang nailalapat ang kaalaman, pinapansin ang kulay, binabakas ang guhit, natutukoy ang kilos ng kanilang mga mata sa kuwadro. Sa kanila na nanggagaling ang mga hiyas gaya ng “Sir, teka. Bakit parang mas buhay yung binabantayan kaysa sa nagbabantay?”
·
Grade one na si Maria. Noong nagtapos siya ng Kindergarten may bahagi ng programa kung saan naka-slides ang kanilang mga dibuho. Nakasulat sa larawan kung ano ang gusto nilang maging: doktor, vet, guro, pulis, weather forecaster, at iba pa. Palakpakan kami kada bata. Sa drowing ni Maria, may babaeng nag-aalaga ng sanggol. Napapaligiran siya ng maliliit na bata at mga laruan. Gusto niyang maging babysitter. Kahalo ng palakpak ang mga tawa.
·
“Baby ka muna ulit Damian,” sabi ni Pinky habang sinusubuan siya ng sabaw na may isda, luya, at dahon ng malunggay. Ngumingiti ang aming si Kuya Pogi at tinanggap ang alaga ng ina. Masunurin siya pagdating sa gamot, bimpo, lahat. Interesado sa termometer at parang kinakabisa ang lahat ng aming pagpoproseso at paliwanag. Patuloy din sa pagtuto si boy. Nagpaalam para subukan ang stethoscope. “Okay, normal heart lang kayo. Konting good pala ang fever. Kasi nilalabanan ang disease ng init.”
Biglang natawa si Misis. “Meron sa FB, ngayon lang daw niya naintindihan ang Goldilocks. Mainit ang kay Papa Bear, kay Mama Bear, malamig, kay Baby Bear, just right.” Lugaw ba ‘yun o tsamporado? “Kakain agad ang tatay, habang mainit pa. Hihipan ng nanay ‘yung sa anak, e di maligamgam. Kakain lang ang nanay kapag nakakain na lahat.”
Malamig na.