Nakalulungkot lang na hindi ako makapupunta sa kumperensya bukas. Handa pa naman sana akong magbasa ng papel, at higit pa roon, makapakikinig ng ibang mga sinulat tungkol sa mga bata at sanggol sa larangan ng media at panitikan. Partikular na mahalaga ang mga babasahin ng dalawang kaibigang hinahangaan. Nakakalungkot lalong isipin na hindi ko makikita ang ilan pang kaibigang maaari sanang makasalubong doon sa ibaba ng aklatan. Nakapaghanda pa naman ako ng ilang regalo.
Tapos may mga nababalitaan ako, na bukod pa sa pinakamalaking balita nitong mga nakaraang araw, mga maituturing nating mas maliliit na kuwento (at sana nga'y hindi na mas lumala pa): mga pangangailangan, mga karamdaman. Mga tanong na hindi pa nila naitatanong ay alam na nilang walang parating na hustong kasagutan.
Hindi naman sobrang malungkot. Hindi ko pa rin masasabing pumantay na ito sa mga Agostong nakaraan. Halimbawa, kaninang umaga, natunton na namin ang puno't dulo ng mga sakit ng bata (ngunit kung tutuusin pala ay may kalungkutan din ang kaalamang ito at gaya ng sabi ni Pink, parang ayaw na niyang makuha pa ang x-ray). Isa pa, unang araw ng exams ng panganay namin at full force kaming nakapaghatid. Pati ang sanggol naghatid, umiyak pa ng "ate! ate!" pagkapinid ng pinto ng klasrum. Hindi na bumalik ang lagnat ng aking asawa. Umampat na rin ang pamamaga ng kanyang sakong, nahuli na tuloy ang nakuha kong mefenamic at salonpas. Nakapagbayad na rin ng bills, sa wakas, salamat at may dumating na pera mula sa kung saan. Tiyak marami pang ibang magagandang balita, maliliit at personal.
Nangingibabaw sa mga ito ang sunod-sunod na pagdalaw ng aming mga pamilya. Nagpaiwan pa ang aking ama dito para makatulong sa amin. Napag-usapan namin ang Agosto, at kung paanong nasasalanta ang mga buhay sa Agosto. Paborito ito ng aking kapatid kasi raw maraming long weekend. At siyempre, nasa buwang ito ang kaarawan ng aming prinsesang panganay (at kaarawan din ng ilang pili at matalik na kaibigan, kasama ka na rito). Ngunit sa aking karanasan, mabigat ang Agosto. Gayon din sa tatay ko. Ang tawag daw nila dito sa Quisao ay "kawit palakol."
May isa pa siyang tawag: patay na buwan.
Malamang hindi ka papayag. Puno ng hindi pagpayag ang iyong ngiti, o ang alaala ng iyong ngiti. Maaaring sabihing relatibo ito, depende sa maraming salik. O baka sabihin mong may mga mas malala pang buwan, halimbawa, ang kanluraning Abril. O, sa iyong banda: Setyembre.
At gaya ng dati—ngayon at palagi—may punto ka.