Nanganak na rin ang resolusyong ng NCCA-NCLT. Halimbawa nito ang petisyon kung saan ko nahagilap itong litrato [2]. |
Mga guro, manunulat, at mananaliksik na matagal ko nang tinitingala ang aking kinapanayam upang mapag-isipan pa nang husto ang palitang CHED-NCCA. Ipinadala ko sa kanila bilang chat message ang mga tanong at mabilis din naman silang nakatugon sa ganito ring paraan. Hiwa-hiwalay ang mga isinagawang panayam ngunit pinagsama-sama ko ito bilang isang "forum" sa ibaba:
Q—Ano sa mga interes o pinagkakaabalahan mo sa buhay ang apektado ng isyung ito?
ANA—Bilang isa sa dumaraming English tutors sa bansa, napansin ko ang lumalaking pagtingin sa pag-aaral ng Ingles, lalo na't tinuturing itong isang "capital" para makahanap ng trabaho. Kung tuluyang tatanggalin ng CHED ang Filipino subjects sa kolehiyo, makakabawas 'to sa napakaliit na na atensyon sa pag-aaral at malalim na pagsusuri ng wikang Filipino. Sa ganitong kalagayan, humihirap para sa amin na lumihis at bumuo o tumapik ng mas malawak na komunidad na maglalayong pag-usapan at isangkapan ang sariling wika.
EMMAN—Mawawalan ako ng asignaturang ituturo. Nagsusulat ako sa Filipino, nagsasalin mula English pa-Filipino, konti na nga ang aking mambabasa, lalo pang kokonti.
HANI— Hindi na ako direktang apektado dahil naka-graduate na ng college. Pero bothered pa rin dahil na-experience ko mula basic ed yung kakulangan sa pagpapahalaga sa Filipino bilang subject. Bata pa lang e nakahiligan ko na magbasa pero wala halos ako naranasan na encouragement mula sa formal educ insti na i-explore ang phil lit. Yung ibong adarna, florante at laura, at noli at fili nung high school ay tinuro hindi para tunay na basahin o i-appreciate. Mas tokenism lang. Pag-akyat ko ng UPLB, wala rin sya sa gen ed pero maswerte na core course ang Fil 20 at 21 sa BACA. Dun ko na siguro na-recognize kung ano yung nawala saken nung high school. Kung sa usapin naman ng wika, nanghihinayang din ako sa tsansa na mawawala sa mga college students na mabigyan sya ng panahon kahit purely appreciation lang, bonus kung ma-encourage gamitin sa panulat. Sa dami ng distraction kasi ngayon at sa epekto na rin ng tech sa wika, mahirap i-expect sa mga kabataan magkainteres dito. Kung usapin ng poli-econ kasi, English pa rin ang pinu-push para magamit ang skill pag nag-abroad na. Kaya sa kultura, may bias din sa English. Malaking tulong siguro kung magkakainteres sa pagsusulat kasi sa akin nga, na-acknowledge ko na malaking edge siguro sa pagsusulat ko kung nagka- proper training sa Filipino grammar. Hindi sapat yung sa basic ed lang kasi hindi pa malinaw nun sa isip ko na balang-araw kakailangan ko. Hindi rin yun napatimo saken ng mga former teachers dahil ine-echo rin nila yung CHED stand na atin naman so di na kailangang aralin.
TILDE—Maaring wala itong direktang epekto sa akin bilang UP student dahil may iilang pagkakataong nagsasarili ang UP ng larga, pero tiyak na magkakaroon ito ng epekto sa pangkulturang mga produksyon na pana-panahon kong pinagkakaabalahan.
Hindi rin marahil kalabisang sabihing sa pagtatanggal ng Filipino sa GE curriculum, lalong lalawak ang agwat ng akademya sa mga batayang sektor. Sa panahon ngang nasa curriculum pa ang mga naturang asignatura, mga pantas na lang ang naeengganyo makipagtalastasan sa isa't isa. Lalala ang identity crisis at lalong lalayo sa sambayanan ang mga maibabahagi sana ng mga manunulat, artista, iskolar kung magtagumpay ang CHED sa balak nito.
Dagdag pa, hindi naman identity crisis, sa tingin ko, ang primaryang problema. Mauuwi rin ito sa pag-prioritize sa interes ng mga namamanginoong ekonomik powers at mga lokal na mga tagapagpatupad ng pamamanginoon ng mga ito. Isang aspeto lang ang wika. Kung maaari namang ibenta ang labor force ng kabataan sa murang edad. i.e, after makuha ang minimum skills via K+12, hindi na nila kailangan ng kultura, hindi na nila kailangan maging bihasa sa sariling wika, hindi na kailangan pumalag. Isang susi ang pagkilala sa sariling kultura sa pag-iisip, sa pagiging kritikal.
Bale, ang pangkulturang produksyon ay isang larangan ng pakikihamok. Isang institutionalized na pagpapahina na rito ang pag-discourage sa pagpapayabong ng ating wika—at kultura, paano pa kaya ang sadyang pagtatanggal nito sa curriculum.
VLAD—Sa ngayon, may impresyon na immune pa ang UP Diliman sa isyu, dahil tumindig ito na hindi ito papaloob sa kung anuman ang bagong GE program na ipapasok ng CHED. Pero base sa nagawang pagbabago sa tindig ng Diliman kaugnay ng Academic Calendar Shift, may pangamba na mabawasan kung hindi man tuluyang mawalan ng ituturo sa aming Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Maaaring masalba ng mga pwedeng ituro sa malikhaing pagsulat at kursong Rizal, pero naiisip ko ang posibilidad na kung matuloy ang kursong Rizal bilang GE at di hiwalay na kurso, kahit pa may batas na sinasabing kailangan ang kursong Rizal sa kolehiyo, baka dumating ang panahon na may magmandato na alisin na rin ang Rizal, GE man o ibang required subject.
Kasama rin ang pangamba sa pagbaba ng tingin ng populasyon ng Diliman at ng iba pang UP units at ibang institusyon sa halaga ng Filipino sa linya ng malikhaing pamamahayag. Nakakatakot ang pakiramdam na pinamumukhang inevitable ang changes at walang paki ang iba basta parang may gain sila. Halimbawa, may isang Engg dept na nanghihingi ng mga silabus ng aming required na Filipino GE, Filipino 40, dahil requirement sa isang assessment para sa accreditation. Na pakiramdam ko ay step lang na irekomendang wag na silang mag-Filipino sa hinaharap (baka sabihing sa standards ng so and so, di naman credited ang Fil). Kaya if ever may changes na ipapasok, pagbabago sa GE requirements, basta mukhang mas aangat ang ibang kolehiyo, go lang sila. Parang nawawala ang sense ng nasyonalismo at kritikal na pagpapahalagang nasetup noong 60s, parang bumabalik sa dati, o mas grabe pa nga.
Q—Tilde, sa paanong paraan kaya maaapektuhan ng bagay na ito ang iyong pangkultural produksyon? At isama na rin natin: ang pagkonsumo sa iyong produksyon?
TILDE—hmmm... hindi ko kasi maipindown ang target audience ng mga nililikha ko. or kung may tinatarget ba talaga akong audience. pero dahil nagsusulat ako sa ingles at sa filipino, at gumagamit din ng mga salita at mga imahe, o minsan ng kapwa ingles, filipino at imahe, tiyak na sa isang banda, mas mababawasan ang maaabot na consumer, reader, spectator, audience kung magiging "foreign" ang wikang filipino sa kalakhan ng mga nag-aaral sa kolehiyo—kung saan nagmumula, sa tingin ko, ang karamihan ng tumatangkilik sa mga nililikha ko.
Q—Vlad, bakit mahalagang panatilihin ang mga nabuo noong 60s?
VLAD—Siguro una sa lahat, partly ay hindi naman ito fully realized, yung point na may espesyal na lugar sana ang pag-aaral sa sariling wika at kultura at kasaysayan bilang pag-assert na may pambansang identidad at mahalaga ito. Maraming factors kung bakit parang nalusaw/nalulusaw ito bago pa maging isang matibay at unified na system. Syempre nariyan na magbabagu-bago talaga ang lipunan at ang mga dating opresibong puwersa ay laging may paraan ng pagreintegrate; pwedeng sa mga pagbabago ay naging appealing sa marami ang multiplisidad sa identities at boses, na pwedeng mag-exist na sabay-sabay at kanya-kanya; o ang paniniwala na mas okey nang gayahin ang modelo na kahit high school lang ang matapos ay okey na, basta may output-oriented skills. Masaya sanang mapanitili ang sense ng pagtitimbang at pagpapahalaga sa mga konsepto ng pagiging kritikal, pagiging masinop at malinaw sa pakikipag-ugnay at pananaliksik, pagiging malay sa mga kailangan at mga pinagdaanan ng sariling bayan, at sa tingin ko'y ito ang naging papel at laging naiaambag ng pag-aaral sa wika, kultura, at lipunan sa ng at sa sariling wika. Naniniwala akong ang mga ihinahapag na biyaya ng internationalization—pag-alpas sa hirap, pag-agapay sa mabilis na takbo ng mundo, pag-equip sa functional na mamamayan kahit sa maagang edad, ay mga mahalagang usapin pero misleading minsan dahil di natutukoy ang mga salik gaya ng ugnayan ng pilipinas sa ibang bansa sa usapin ng economics at pulitika, kultura ng korupsyon, pagkukulang ng pamahalaan sa mga basic na kahi gian gaya ng classroom na kasya ang lahat ng estudyante. Laging may pagmamalaki sa efficiency at pagpapadali, pero kahit halimbawa sa K-12, maraming hindi napaghandaan, yung mismong isyu ng sinu-sino ang makapagtuturo. Sa ngayon, nakadepende ang pagsasanay sa mga high school teacher na pumapailalim sa oryentasyon na isinasagawa kasama ang mga ekspertong madalas ay guro sa kolehiyo. Kapag nagkulang sa guro sa grade 11-12, ibababa ba ang kga nada kolehiyo, paano kung lusawin ang kanilang home departments sa kolehiyo? Mga ganoong isyu. At syempre, nakikita ko lang ang ganitong mga tanong at pag-uusisa pagkat nasanay ako sa isang oryentasyon ng panunuri at pagtitimbang na may pagpapahalaga sa sariling identidad, sa kasarinlan. Maraming magbabago, at hindi lahat ay kalaban, pero ang ideya na may sariling pagkahubog, na dapat ipaglaban ito at laging maalala, lubos itong mahalaga.
Bigwas sa lokal na pangkulturang produksyon ang tangkang ito ng CHED dahil isasakripisyo nito ang holistiko at makabayang pag-unlad ng estudyante upang makasabay sa dinitiktang pangangailangan ng globalisasyon.
_____________________________________________
Q—Naglabas ng isang resolusyon ang NCCA-NCLT na hinihiling ang pagdagdag ng hindi kukulangin sa 9 na yunit ng asignaturang Filipino bilang required GE. Sang-ayon ka ba sa hugis at nilalaman ng hakbang na ito?
TILDE—Wala ako sa posisyon dahil hindi naman ako propesor at walang karanasan sa pagdidisenyo ng curriculum, pero naririto na rin ang aba kong palagay: Bagamat mas mainam ang mungkahi ng NCCA-NCLT kaysa naman sa di-kagandahang balak ng CHED, baka mas makabubuti kung mas ibababa nang kaunti ang bilang ng yunit at ilaan sa ibang aspeto ng humanidades ang natitirang yunit.
Noong undergrad ako, 15 yunit ang nakalaan sa Arts & Humanities. Sa humanities 1 at 2 lang ata nagkaroon ng puwang ang mga bagay na may kinalaman sa kulturang Pilipino—hindi pa nga partikular sa wika. At... ngayon ko lang napansing hindi naman required ang Filipino talaga sa GE ng UP. Kaya marahil tinuturing ng ilang mga konyong estudyante na "exotic" ang panitikang Pilipino.
Kung babalikan muli ang tanong, napapanahon na nga sigurong gawing required ang Filipino, pero baka 3 hanggang 6 na yunit ay sasapat upang bigyang puwang sa ibang asignatura ang iba pang aspeto ng kultura maliban sa wika.
VLAD—Magandang inisyatiba yung petisyon, at tingin ko isang mabilis at kailangang reaksyon. Maganda sigurong dagdagan ng aspekto ng kultura at pambansang identidad. Nabanggit ito pero manipis, mas nauna at nahighlight ang trabaho at pagkawala nito. Tingin ko naging ganito ang petisyon kasi kailangang may isang paglalatag na napanghahawakan o nakaangkla sa reyalidad. Kung mas napaliwanag ang panganib o mga maling haka sa ASEAN integration, ayos din. Pero baka di ito nakasama pa sa petisyon para maging mas maiksi at madaling unawain. At sa pagkakaalam ko, gumagawa naman ng hakbang na magkasundo-sundo at makapag-usap ang iba't ibang institusyon.
EMMAN—Sang-ayon. Pero kailangang ayusin talaga ang layunin at disenyo ng mga kursong Filipino. Sana iangkla sa kontexto ng pagkilala sa sarili, bansa/ lipunang Filipino, at daigdig. Hindi lamang mga kursong ginawa para pabilisin ang kakayahan ng mga mag-aaral na ibenta ang sarili nila sa merkado (ganito ang fokus ng “Malayuning Komunikasyon” sa GE core courses ng Ched—nakatuon sa pagdebelop ng kasanayan sa pagsulat, pagsasalita, pakikinig... tungo sa pagiging mahusay na empleyado).
HANI—hindi ko pa lubos na napag-aralan yung petisyon at gusto pa rin makarinig ng opinyon ng iba pero sang-ayon ako na magkaroon ng required GE na Filipino. Part-time English teacher ako sa isang state u na nanganganib ding mawalan ng trabaho nang walang kahandaan dahil sa K-12. Ni hindi naba-bother ang eskwelahang pinagtuturuan ko kung paano kami at yung iba pang gen ed teacher, kahit pa mga tenured, kapag fully implemented na. Siguradong ganun din ang anxiety nung libong mawawalan ng trabaho. Bukod dyan, sa experience ko magturo sa isang state u na hindi UP kung saan para kong pinagduduldulan yung acad level English sa mga low-intermediate second language users, mataas ang expectation mai-apply nila agad yung banyagang wika kaya pag binasa mo ang mga output, halatang apektado ang content dahil hindi kumportable ang nagsulat. Kasama sa gen ed nila ngayon ang Filipino at tingin ko kung ito ang pauunlarin imbis na token lang at kung may encouragement na gamitin siya sa research at acad work, malaki rin ang iuunlad ng output ng mga estudyante. Praktikal (nabanggit nga, maaari pang magsilbi sa goals ng ASEAN integ) bukod pa sa epekto nito sa kultura at nationalism. Hakbang yung pagdagdag ng subject sa curriculum para yung academe mismo e mulat na paunlarin at ipagamit (bukod sa pagtuturo, sa research, translation ng instructional materials at world lit, atbp), magkaroon ng masisiglang diskurso tungkol sa paggamit, atbp.
ANA—Oo. Mahalaga na ihelera ang pag-aaral sa wika sa requisites ng mga piniling disciplina sa kolehiyo para magkaroon pa rin ng espasyo alagaan ang pangkultural na interes.
Q—Bakit mahalaga pa ang pangangalaga sa mga kultural na interes sa antas na tersiyarya? Hindi kaya sapat na't napagdaanan na ito sa mga klaseng elementarya at hayskul ng K+12?
ANA—Napag-aaralan man sa elementary at hayskul, hindi ito ganap na nailalapat sa pipiliing disiplina sa hinaharap. At dahil sa mga unibersidad at kolehiyo nabubuo ang mga eksperto at intelektwal ng lipunan, malaki ang papel na ginagampanan nila sa paghubog at pagbuwag ng mga estereotipikong kaalaman na maaaring makaharang sa pag-usad ng ating pangkulturang interes. Kaya naman kumpara sa lahat ng antas, mahalaga ang aktibong pag-aaral ng kultura at wika sa antas ng tersariya upang higit na maimpluwensyahan ang mga eksperto at intelekwal ng ating lipunan sa hinaharap.
Q—Hani, ano ang silbi ng pagtatanim at pagpapayabong ng mga diskurso hinggil sa paggamit ng sarili na rin naman nating wika?
HANI—Sa tingin ko po, eventual/spontanyo namang nagbabago habang ginagamit ang wika sa tuwing nare-recognize ang pangangailangan na gamitin ito. Pero marginal pa rin, at embedded sa kahilawan ng kultura at pulitika ang nagiging epekto. May pagtatangi sa Inggles na nagsisilbing reinforcement sa pagiging malakolonyal (at malapyudal sa porma ng meritocracy, kung tutuusin) ng kamalayan and vise versa. Ina-associate ang sariling wika bilang lesser language, hindi kasing propesyunal at intelektwal (maliban sa ilang pamantasan, pero dahil nga siguro hindi malawak ang paggamit, nagiging elitista rin ang pagpapahalaga). Kung institutional ang paggamit at may mulat na diskurso, magbibigay daan sa grassroots application at appreciation. Paano direktang mabebenepisyuhan ang magsasaka kung ang mga research efforts ng agriculturists ay sa Inggles, na kauna-unawa naman kasi hindi pa friendly ang sariling wika para sa STEM disciplines? At the same time, kung hindi institutionalized ang diskurso, wala ring silbi lalo't walang effort na grassroots pag-aralan (hence, either elitist pa rin o tokenism lang ang efforts). Kung mulat ang pagpapayabong, masigla ang debates, baka sakali yung nationalist na kamalayan ay magdulot ng people-oriented poli-econ at cultural reforms. Maliban dyan, at siguro mas malapit din sa akin, ay yung mulat na pagpapayabong ng panitikang Pilipino at kritisismo na hindi elitista.
_____________________________________________
[1] Maaaring makuha ang pdf ng CMO sa site ng CHED o sa DLSU.
[2] Nasa petisyong ito naman makikita ang litrato ng resolusyon ng NCCA-NCLT.
8 komento:
napapanahon nga bang alisin ang asignaturang wikang filipino sa kolehiyo ?
Hi Cryan. Sa palagay ko, wala sa lugar at hindi napapanahon ang pagtanggal ng asignaturang Filipino (wika at panitikan) sa kolehiyo. Sa halip, mahalagang mapayaman ito sa lahat ng antas bilang tahanan at behikulo ng ating mga natatanging ideya, magigiting na damdamin, at maaalab na hangarin.
Hello po :) Payagan nyo po sanang isama ko ang blog entry nyo sa ginagawa kong thesis sa Filipino na may pamagat na "Ang mga Saloobin at Maaring Epekto ng Pagtanggal ng Asignaturang Filipino sa Kolehiyo sa mga Mag-aaral ng..." Kung inyo pong mamarapatin.
Walang problema kung isasama sa thesis. Magandang umaga
Hi po. Pede ko po bang isama tong blog entry niyo po sa thesis ko po na may pamagat na "Ang Pagtanggal ng Filipino bilang Asignatura sa Kolehiyo". Kung inyo pong mamarapatin. :)
Okey, basta pakilink na lamang itong site para hindi malito ang mga adviser ninyo. Good luck sa mga nagsusulat ng tesis
San po ginanap ang interbyu?
" Ipinadala ko sa kanila bilang chat message ang mga tanong at mabilis din naman silang nakatugon sa ganito ring paraan." Pinadala ko ang mga tanong sa FB o gmail.
Mag-post ng isang Komento