Mar 20, 2012

GAGAYYEM: Mga tulang pinagtagni-tagni mula sa 59 obra at isang excuse slip ng mga estudyanteng UPLB na tumugon, kamakailan, sa kamatayan nina Ray Bernard, Given Grace, at Rochel “Cesil”

Mga mahal kong estudyante:

Katatapos ko lamang repasuhin ang mga tulang ito na handog ko sa inyo. Na handog ninyo sa akin. Binasa ko muna ang lahat nang naisumite bago nagpasyang gawin itong munting proyektong.

Pinili ko ang mga akdang sinulat sa Tagalog, Iluko, Bicolano, Chavacano, atbpa. May naisip akong disenyo at dahil dito iniwasan ko ang mga nakasulat sa Ingles – maliban sa iilan na hindi ko napigilan at naipagsama-sama sa tulang “Under the pink moonlight.”

Sa inyo nanggaling ang mga linya at imahe habang sa akin ang pagpili, paggupit, at pagsasaayos. Sa inyo rin nagmula ang lahat ng pamagat, maliban sa isa. Sa umpisa, akala ko'y isang mahabang piyesa ang mabubuo ko mula sa inyong mga linya. Ngunit nang makalap ko na sila, may mga elemento, imahe, at tunog na nagkumpul-kumpulan nang (halos) sadya.  Kaya hinubog ko sila nang magkakahiwalay. Kung natatandaan pa ninyo ang liksyon natin sa collage, heto ang katumbas noon sa anyo ng siyam na tula.

Sapagkat sa tuldok na ito magsisimula

siyang tuyong dahon sa ibabaw ng malagong damo

Ambun

Under the pink moonlight

Excuse Slip

Mayroon akong tatlong manika

Komedyante

Gagayyem

Alitaptap

Dahil nakapag-collage tayo sa klase, alam na ninyo na kahit may matiyempuhan tayong magandang larawan, hindi ito awtomatikong mailalahok sa huling produkto. Sa kada putol at paskil, isinasaalang-alang ang tema, motif, at ang ugnayan ng mga bahagi. Gayundin sa koleksyon na ito. Bagamat marami akong nabasang mahuhusay na linya mula sa iba't ibang wika, hindi ko sila ikinabit. Sana walang magtatampo.

Susubukan kong ipalathala ang mga ito, kasama siyempre ang inyong mga pangalan. Sa ngayon, online muna. Inaanyayahan ko rin kayo na ilabas sa inyong mga site, ipabasa sa mga ka-dorm, o hanapan ng venyu ang mga sinulat ninyong tula at kuwento para sa kursong ito. At kung may maisusulat pa kayo sa hinaharap: fight!

Kung may anumang tanong, o kung may pangalan dito na hindi nabaybay nang tama, maaari akong padalhan ng e-mail at tutugon ako sa pinakamaagang pagkakataon. Daghang salamat.