May 31, 2025

Edad GE

Narito ang aking ambag sa oryentasyon sa aming mga freshmen noong ika-29 ng Agosto, 2022. Maaaring napapanahon ang ilang sipi, ngayong nagpanukala ang DepEd sa CHED na bawasan pa ng tatlong kurso—art appreciation, the contemporary world, at ethics—ang General Education program ng bansa.

· 

Magandang tanghali sa atin, lalo’t siyempre sa ating mga bagong estudyante, sa mga freshies. Mga 19 anyos ngayon kayo karamihan, pero may ilang 18 din at 20. Ako nama’y 43, ngunit ang tanong na nais nating balikan ay “Gaano tayo katanda ayon sa GE?” O ang isa pang bersyon nito “How old does GE want you to be?”

Before that, we define General Education as “a suite of courses that all undergraduate students, regardless of their major, must complete.” We hold it in common with the whole UP system, a true touchstone, hence our Tatak UP. GE prepares students for major courses. The slide says it “augments and rounds out the specialized knowledge that the students receive in their majors.” Kaya mainam mang makarami ng GE sa umpisa ng inyong buhay sa UP, mabuti ring kasangkap ang ilan nito sa mga junior or senior semesters ninyo. Layon nitong kausapin ang inyong mga kursong major, isakonteksto sila sa uniberso ng kaalaman, sa mas malawak at patuloy na aktibidad ng pag-alam. Sa ganitong paraan, nais kayong buksan ng GE sa maraming punto de bista, payamanin nang husto ang inyong paglalagi dito sa pamantasan.

Kasalo ninyo sa anim na GE ang buong UP Los Baños:

ARTS 1. Critical Perspectives in the Arts
COMM 10. Critical Perspectives in Communication 
ETHICS 1. Ethics and Moral Reasoning in Everyday Life 
HIST 1/KAS 1. Philippine History/Kasaysayan ng Pilipinas 
STS 1. Science, Technology, and Society 
PI 10. The Life and Works of José Rizal

Makapipili rin kayo ng karagdagang tatlo mula sa labing-isang GE:

HUM 3. Reading Film, TV, and the Internet 
KAS 4. Ang Kababaihan sa Kasaysayan ng Pilipinas 
MATH 10. Mathematics, Culture, and Society 
PHILARTS 1. Philippine Arts and Culture 
PHLO 1. Understanding Philosophy 
PS 21. Wika, Panitikan, at Kultura sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas 
SAS 1. Self and Society 
SCIENCE 10. Probing the Physical World 
SCIENCE 11. Living Systems: Concepts and Dynamics 
SOSC 3. Exploring Gender and Sexuality WIKA 1. Wika, Kultura, at Lipunan

Ngayon natin balikan ang tanong, “Ano ang hinihiling sa ating edad ng GE?” Matandang usapin na ang kasarian at sekswalidad ng SOSC 3, pero hindi ba may mga pag-unlad dito na ngayon lang naitatala nang maayos-ayos, sa inyong henerasyon, mga identidad na ngayon lang naisasatinig nang bawas ang garalgal, buong tapang at pagmamalaki? Hinggil din sa bago ang kursong gaya ng HUM 3, na kung tutuusi’y tatlong panahon din, ang pelikula ng lolo’t lola, telebisyon ng ama’t ina, at ang internet na inyong-inyo, mga kabataan. At may PS 21 na nais tayong ibalik sa mga kahindik-hindik na ganap ng 50 taong nakalipas! Nais kayong maging 50 years old ng GE, at higit pa kung kasaysayan ng kababaihan sa Pilipinas!

Kinuha ko ang PHLO 1 sa UP Diliman kay Prop. Nap Mabaquiao, mga 25 taon na ring nakaraan. Hindi ko makalilimutan ang unang pahina ng pinabasa niyang aklat, ang Sophie’s World ni Jostein Gaarder. Doon ko nakilala si Goethe na gaya rin ni Rizal para sa akin, isang GE embodiment o taong GE: nobelista, siyentipiko, pulitikong tao. Ayon sa salita ni Goethe, mga 200 taong nakalipas, doon sa hawak kong aklat: “He who cannot draw on three thousand years is living from hand to mouth.”

“Siyang hindi nakikinabang mula sa tatlong libong taon ay nabubuhay nang isang kahig, isang tuka.” Parang magic sa akin ang mga salitang iyon, biglang hiniling sa akin na tumanda nang husto, balikan ang lahat ng yamang ipinundar ng mga kagaya kong tao sa loob ng libo-libong taon! Sa dakong matematika, halimbawa, kay tatanda na ng mga sistema ngunit alin ang pinakabata sa mga pangunahing numero? Ang zero na mga 1,500 taong gulang lamang! Bago noo’y hindi natin matanggap na kailangan/maaaring markahan ang wala—at gagamitin ito! Kung wala ang wala, kung hindi tayo tumawid mula Roman numerals tungo sa Hindu-Arabic, wala tayo ng kasalukuyang teknolohiya, wala lahat ng ating mga computer, mga gadget at apps na tila nilampasan na ang mga aklat sa pagkunekta sa higit pang tao at higit pang kaalaman.

Ngunit konserbatibo pa pala ang 3,000 taon ni Goethe, lalo kung mapapadpad tayo sa ilang unang ebidensya ng sining sa mga kuweba sa Espanya at Pransya, at ang natuklasan nitong 2021 lamang, sa kalapit-bahay natin, sa Sulawesi ng Indonesia, na hinihigop tayo tungo sa 44,000 na taong nakalipas, sa mga pigura ng hayop sa kuweba, mga hand stencil gaya ng pamba-vandal natin sa mga pader ng ating kabataan. Ngunit ang homo sapiens ay 200,000 taon na ayon sa ebidensya. Itong katawan natin, itong ganitong DNA, mahigit kumulang, ay nag-uumikot na sa daigdig nang ganoong katagal—ngunit hindi agad nagka-sining? Ano kaya ang “self” o “society” ng ating kanunununuan? Iyon ba ang isang kahig, isang tuka? Taong walang kasaysayan, walang matematika, walang siyensya—ngunit paparoon na rin siya ano? May kung ano na sa kaniyang panaginip. May namumuo. May uusbong patungo sa atin, kung nasaan tayo ngayon, dito, kung saan pinag-uusapan natin sila, sila na tayo rin. Dito sa kaparehas na daigdig na 4.6 bilyong taon na ang tanda.

Our activities in the laboratory, in the clinic, onstage, and onscreen, our daily walk to school, our ride home, all these should draw from fifty years of reclaiming democracy, 44,000 years of culture, 200,000 years of biological existence, and 4.6 billion years of physical possibility. Our now, though hopeful, is precarious. Forces at this very moment seek to separate us from our greater context, our shared humanity. Those who want your future will rob you of your past. Magpapakamusmos tayong lahat kung wala ang mga liksyon ng ating GE. Mauuwi tayo sa ngayon at sa ngayon lamang, isang ngayong walang balor o saysay: isang kahig, isang tuka.

Salamat freshies sa inyong presensya, sa ating pagkikita, at sa inyong walang kamatayang karunungan.

May 26, 2025

Kahon

Patay-sindi ang ulan ngayon. Alas dos kahapon, nilibing ang aming Tito, bunsong kapatid ni Dad. Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas nang minsan kaming bumisita sa kanilang bahay. Siyempre masaya kami, makakalaro namin sa pekwa at jackstone ang mga pinsan! At! Masarap kasi ang pagkain doon, parehas magaling sa kusina sina Tito at Tita. Ngunit nagkataong abroad si Tito. Sa halip, may kahon sa may telebisyon nila na punong-puno ng mga cassette tape. Hindi sila tugtog kundi mga nirekord ni Tito Manny sa Jeddah, mga piraso ng kanyang boses na pinatawid sa tubig at buhangin. Titig na titig ako sa mga tape na iyon kahit wala naman sila ni bulong sa akin. May nakasulat lang na ilang salita, at may petsa. Ito si Tito Manny. Ito ang una kong pagkakakilala sa kanya.

Sa kabutihang palad, nakapagretiro siya mula sa pangingibang-bansa. Noong 2017, si Tito ang sinabihan ni Dad na parang hindi na siya magtatagal (at sa taon ngang iyon namaalam si Dad). Nito lang, 2023, makailang beses niloob ang bahay nina Mama. Dumating si Tito, tinulungan kami nina Ate, tinututukan ang pagsasaayos sa grills at pagpapakabit ng CCTV. Ang mga ito (at iba pa), sa kabila ng matitinding dagok sa kanyang buhay bilang asawa, ama, at kapatid.

Lahat ng nagmahal sa kanya at minahal niya ay mga sisidlan ng kanyang tinig, halos pabulong na kung minsan, mahinahon, sadyang mapagpalakbay. Makarating din sana ang aming yakap at pasasalamat. Isa pang abroad, kung gayon, mahal naming Tito Manny. Ika-20 ng Setyembre, 1959—ika-21 ng Mayo, 2025.

litratong kuha ni Edu, mahal kong pinsan at pamangkin din ni Tito Manny

May 13, 2025

CENTO NG PAGTUKLAS

paano ba ang tawa ng isang ina
Ang unan at sapin ay nagkalat
Sa magdamag ng balisa’t sikip ng dibdib

wala naman itong oxygen
dahil sa hinarangang entrada
nagbibigkis sa tinig na sintahimik

ng mapa. Kulimlim, walang kibit
you chose this life
Like a little crystal between the toes, being playful

with locations, where to hide
Aligaga kong tinatahak ang bawat landas
Bumubulong

Kahit sirang-sira ang langit

__________________________ 

BOTANTE CENTO

“May meeting lang po kasama si Mayor”
ng nanunukling cash register:
“Botante ka ba?”

the voice still announcing, calling for them
“But mother, I just want to buy a fanty”
pero paralisado pa rin ito. Sa kagustuhan niyang

father, forgive us
Each stroke both intimate and disobeyed
at tunay ngang kainaman din

__________________________ 

May 8, 2025

Trigger Warning sa Dalawang Nakaitim

Katawan ang ating babasahin. Sapat na sana ang babala. Huwag nang magpatuloy, please, kung hindi kayang sikmurain kung bakit may maaalwan na buhay. Halimbawa, mababanggit ang pagpapatiwakal hindi dahil uminom ng muriatic si Liliosa Hilao sa palikuran ng mga lalaki, kundi dahil ito ang iprinisintang dahilan ng militar, sang-ayon sa kuwentong nalulong siya sa droga, kalakip ng kanyang katawang ibinalik sa pamilya, Abril 1973. Disyembre 2016, pneumonia naman daw ang ikinamatay ng siyam na anyos na si Lenin Baylon.

Babala rin sa aking sarili, na nagpapatumpik-tumpik pa bago magpatuloy. Paanong kasaysayan ang nag-uulit sa kanyang sarili samantalang ako itong nauutal? Pinainom ng truth serum si Liliosa Hilao. Ayon sa awtopsiya, makailang ulit siyang tinortyur at ginahasa. Ayon sa awtopsiya, tinamaan ng bala si Lenin Baylon. Katulad niya ang ilan pang may bala sa katawan pero pneumonia o sepsis ang ikinamatay.

Dalawang linggo bago sana grumadweyt ng cum laude, kursong Communication Arts sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Abril 1973. Disyembre 2016, tatlong araw bago sana ipagdiwang ang ikasampung kaarawan.

Sa tambalan at tunggaliang Marcos-Duterte, binabanggit ang posibleng kamatayan ng Pilipinas. Maaari raw siyang ipapatay, ayon kay Duterte. Matatamaan daw ang mga Marcos, kung sakali. Handa nang mamatay sa bilangguan si Duterte. Sa sinag ng kamera, nakasuot ng itim ang mga katawan nina Marcos at Duterte, buong-buo, may isang 46 anyos at may isang 69 anyos, humihinga, at hihinga pa rin bukas.


_________________________
Javar, R. C., Asuncion, R. J. A., Tugano, A. C. J., & Santos, M. J. P. (2022). Liliosa Hilao. In 50-50: Talambuhay ng mga Pangunahing Personalidad ng Batas Militar (pp. 139–143). essay, Limbagang Pangkasaysayan.

Lopez, E., Lema, K., & Baldwin, C. (2022, June 2). A pathologist, a priest and a hunt for justice in the Philippines. Reuters Investigates. https://www.reuters.com/investigates/special-report/philippines-duterte-death-certificates/

May 5, 2025

19M sa hayskul ang hindi functionally literate

Mahilig si Rene sa tanong na Paano kung hindi totoo ang daigdig?
Kung masagwa pala ang ugali ng diyos at nililinlang lamang ako nito?
Kumatha ng hindi-tunay na mundo para sa hindi-tunay na ako?

Goodbye na agad sa kaeskuwelang biglang sumagot kay Rene.
Pag-aaksayahan ka ng banal na laway upang ma-showbiz lang?
Main character much?

Hindi tayo para pagsinungalingan o sabihan ng totoo.
Ni hindi tayo para pansinin.

Tayo-tayo lang ang naglolokohan dito.
Hindi sa minamaliit kita ha.
Hindi ka rin minamaliit nitong lumikha.

Ginawa kang assuming, ‘yan ang disenyo sa’yo.
Naisulat na tayo, kay hina lang nating magbasa.

May 1, 2025

POETIKANG TAGNI-TAGNI

Ikaw ay isang ubas na binayaang kumulubot
Ikaw, kailangan mong maghilom
sa ilalim ng baliw na buwan

madulas na lunggating tinataludtod, tinitilad-tilad
for the darkness and feel
the hollowed-out bodies lined up in the morgue like animals

In a Station Hidden From the Metro
nakahambalang na't naghihintay sa pintuan
ang mga braso ng sasamba

Sa kaliwa, humihiwa ang tila sibat na liwanag
mula sa sanga. Noon lamang lumiwanag sa
ilang taong pinupog ng pagpapala

__________________________
mula sa mga linya nina Steven Claude Tubo, Redwin Dob, Dimple Famajilan, Harold Fiesta, Maryo Domingo, CJ Peradilla, Birth Guzman, Jennylyn De Ocampo Asendido, Aris Remollino, Glen Sales, Ron Atilano, at Pinky Aguinaldo