Hun 30, 2012

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin

Masamang ang paghahanap ng balanse sapagkat ito'y isang kathang isip. Paghihiganti. Kahit pa mapatay natin o mapahirapan nang husto ang ating kaaway, sa isang banda, isa rin itong kathang isip.

Hun 26, 2012

Tore ng Babel

ni Wisława Szymborska
aking salin


Anong oras na? — Ay, napakaligaya ko;
kailangan na lang magsabit ng kuliling sa aking leeg
upang kumuliling ito sa iyong pagtulog.
Hindi mo ba naulinigan ang bagyo? Niyanig ng habagat
ang mga dingding; ang tarangkahan ng tore,
parang bunganga ng leon kung maghikab
sa mga besagrang lumalangitngit.
— Paano ka nakalimot?
Suot-suot ko pa naman ang damit na kulay abo
na naikakabit sa balikat. — Sa sandaling iyon,
mga pagsabog ang yumanig sa alapaap.
— Paano ako
papasok? Gayong hindi ka nag-iisa. — Aking nasulyapan
ang mga kulay na matanda pa sa paningin.
— Sayang,
hindi mo kayang mangako. — Tama ka, malamang
isa lang itong panaginip.
— Bakit puro kasinungalingan;
bakit mo ako tinatawag sa kanyang pangalan;
mahal mo pa ba siya? — Nais ko siyempre
ang manatili ka sa aking piling.
— Hindi ako maaaring
dumaing dahil ako mismo ang dapat nakapansin.
Iniisip mo pa ba ang lalakeng iyon? — Pero hindi ako umiiyak.
Wala na bang iba? — Walang iba kundi ikaw.
Ang maganda sa iyo, tapat ka. — Huwag kang mag-alala,
lilisanin ko ang bayang ito. — Huwag kang mag-alala,
aalis ako.
— Napakaganda ng iyong mga kamay.
Lumang kasaysayan iyan; tumagos man ang talim
hindi natamaan ang buto.
— Wala kang dapat alalahanin,
mahal ko, wala kang dapat alalahanin. — Hindi ko alam
kung anong oras na, at wala akong pakialam
.

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin


Ang ugaling magkalat ng pagdurusa sa labas ng ating sarili. Sapagkat sagad na ang ating kahinaan hanggang hindi na tayo makatanggap ng awa o makapanalbahe ng ibang tao, niyuyurakan natin kung anuman ang kinakatawan sa atin ng sandaigdigan.

At lahat ng mabuti o magandang bagay ay nagiging tila panlalait.

Hun 24, 2012

Unang Alituntunin ng Arkitekturang Sinhala

Michael Ondaatje
aking salin


Huwag gagawa ng tatlong pinto
sa iisang tuwid na hanay

Maaaring sumugod ang demonyo
tagos sa mga ito
paloob sa iyong bahay,
sa iyong buhay

Hun 22, 2012

Sipi mula sa Attente de Dieu

ni Simone Weil
aking salin


Tuwing iniisip ko ang pagkakapako ni Kristo sa krus, nagiging kasalanan ko ang inggit.

Hun 19, 2012

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin


Isang lalakeng nabuhay para sa kanyang lungsod, mag-anak, kaibigan, upang makakalap ng kayamanan, upang mapagbuti ang kayang katayuan sa lipunan, atbp.—digmaan: dinakip ang lalake bilang alipin at, mula noon, wala nang katapusan ang pagbabanat ng buto, hanggang sa pinakahangganan ng kanyang lakas, para lamang mabuhay. Kahindik-hindik ito, hindi ito maaari, at ito ang dahilan kung bakit nangungunyapit ang lalake sa anumang matagpuang pakay, kahit pa isang pakay na kahabag-habag, kahit pa walang itong ibang pakay kundi maparusahan ang kapwa alipin na katabing nagtatrabaho. Wala na siyang ibang pagpipiliang pakay. Kahit anong pakay ay tila sanga sa isang nalulunod na tao.

Hun 18, 2012

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin


Ang naising makita ang ibang tao na pinagdurusahan mismo ang ating pinagdurusahan. Ito ang dahilan kung bakit – maliban sa mga panahong hindi matatag ang lipunan – sumasama ang loob ng mga minamalas sa kanilang mga kabaro.

Isa itong salik na nagpapatatag sa lipunan.

Hun 17, 2012

Ang Regalo

ni Li-Young Lee
aking salin


Upang mahugot ang salubsob na bakal mula sa aking palad
nagkuwento ng aking ama, malalim ang kanyang tinig.
Pinagmasdan ko ang kaaya-ayang mukha, hindi ang talim.
Bago pa natapos ang kuwento, kanya nang natanggal
ang bakal na tasok, ang inakala kong ikamamatay ko.

Hindi ko na maalala ang kuwento,
ngunit dinig ko pa rin ang kanyang boses, isang balon
ng maitim na tubig, isang dasal.
Natatandaan ko rin ang kanyang mga kamay,
dalawang takda ng pag-iingat
na inilapat sa aking mukha,
mga liyab ng disiplina
na pinag-alab sa tuktok ng aking ulo.

Kung nakapasok ka noong hapong iyon,
aakalain mong nakakakita ka ng lalakeng
nagtatanim ng kung ano sa palad ng isang bata,
isang pilak na luha, isang munting ningas.
Kung nasundan mo ang bata
dito ka sana nakarating, kung saan ako nakayuko,
tutok sa kanang kamay ng aking asawa.

Masdan ang aking paggagad sa kuko ng kanyang hinlalaki,
napakaingat upang wala siyang maramdamang sakit.
Panoorin mo habang hinuhugot ko ang salubsob.
Pitong taong gulang ako noong
hinawakan ng aking ama ang kamay ko nang ganito,
at hindi ko kinuha ang tasok na iyon
sa pagitan ng aking mga daliri at inisip
Bakal na maglilibing sa akin,
bininyagang Munting Asesino,
Aserong Palalim nang Palalim sa Aking Puso.
At hindi ko itinaas ang aking sugat upang isigaw,
Dito dumalaw si Kamatayan!
Ginawa ko ang ginagawa ng bata
kapag nakatanggap ng isang handog.
Humalik ako sa aking ama.

Hun 16, 2012

Isang Maliit na Kung Ano

ni Charles Simic
para kay Li-Young Lee
aking salin


Maliit ang pag-asang mahanap pa iyon.
Para bang tinawag ka ng isang babae
At hiningan ng tulong upang hanapin
Ang nawala niyang perlas sa kalsadang ito.

Maaaring inimbento lang niya ang lahat,
Maging ang mga luha, sabi mo sa iyong sarili,
Habang naghahanap ng perlas sa iyong talampakan,
Nag-iisip, Kahit pa isang milyong taon . . .

Isa lamang ito sa mga hapon ng tag-init
Kung kailan kailangan ng magandang dahilan
Upang iwanan ang lamig ng lilim.
Samantala, ano na kaya ang nangyari sa babae?

At bakit, taon na ang nakalipas, ganyan ka pa rin,
Panaka-nakang tumititig sa lupa
Habang nagmamadaling dumalo sa kung anong miting
Kung saan nakatitiyak ka nang ikaw ay mahuhuli?

Hun 15, 2012

Sabi niya

ni Grace Paley
aking salin


Sabi niya
            bawat pangungusap ay bintang
at naisip ko
            mahusay siyang magsalita
laging alam ng batang ito kung ano ang sasabihin tungkol sa mundo
maganda ang kanyang mukha, malinaw ang isip, kosmik ang mga ideya
            Diyos ko, sabi ko
            tama ka      talaga ngang ganyan
sa panahong ito tuwing kakausapin ka ng ang mundo
                                                            panay paratang
ni isang minuto ayaw kang iwanang mag-isa
lahat na lang kasalanan mo      ganyan ang mundo
Hindi sabi niya
            wala akong sinasabi tungkol sa mundo
            ang sinasabi ko ikaw
Oo sabi ko      ‘yun nga      mismo, ang ibig kong sabihin

Hun 14, 2012

Sipi mula sa Œuvres completès

ni Simone Weil
aking salin

Hindi ko lubos maisip na maaaring mahal ako ng Diyos gayong napakalinaw sa akin na maging ang pagmamahal sa akin ng ibang tao ay sadyang pagkakamali lamang. Mas madali pang hagapin na mahal niya ang pananaw sa sangnilikha na maaari lamang matamo mula sa punto kung saan ako nakatindig. Ngunit nakahalang ako. Kailangan kong umatras upang makakita siya.

Hun 13, 2012

Pag-uwi

ni Wisława Szymborska
aking salin


Umuwi siya. Walang imik.
Ngunit malinaw na may nangyaring masama.
Humiga siyang hindi nagbibihis.
Nagkumot hanggang ulo.
Isinakop ang kanyang mga tuhod.
Malapit nang magkwarenta,
ngunit 'di pa kwarenta sa sandaling ito.
Nanatili siyang tila nasa sinapupunan pa ng ina,
bihis ng pitong dingding ng balat, nakalulok sa karimlan.
Bukas mangangaral siya tungkol sa homeostasis
sa metagalactic na cosmonautics.
Ngunit ngayon, namaluktot siya at natulog.

Hun 12, 2012

Sipi mula sa “Le Joueur généreux”

ni Charles Baudelaire
aking salin


Kahapon, habang dinadaanan ang madla sa lansangan, naramdaman ko ang pagkakasagi sa akin ng mahiwagang Tao na matagal ko nang nais makilala, na agad kong namukhaan bagamat hindi ko pa siya nakikita dati. Mukhang may kaparehas siyang kagustuhan, dahil nang dumaan siya’y kinindatan niya ako, makahulugan, at nagmadali akong tumalima. Maingat ko siyang sinundan, at maya-maya lang ay bumaba kasunod niya sa isang tahanan sa ilalim ng lupa, punong-puno ng mga luhong lubhang napakalayong matapatan ng mga tirahan sa ibabaw ng lupa ng Paris. Pambihira lang na maaaring makailang beses ko nang nadaanan itong tanyag na pugad at kailanma’y hindi napansin kung saan ang pasukan.

Hun 11, 2012

Sipi mula sa Escrit de Londres

ni Simone Weil
aking salin


Kung may makakikilala sa katotohanan ng kamalasan, nararapat niyang sabihin sa kanyang sarili: “May laro ng mga pagkakataon na wala sa aking mga kamay, at kahit anong sandali ay kaya nitong bawiin ang lahat sa akin, kasama ang lahat ng mga bagay na sobrang bahagi na ng aking sarili, na tinatanggap ko na bilang ako. Walang ano mang nasa akin ang hindi maaaring mawala. Kahit kailan, maaaring gunawin ng isang aksidente kung ano ako at palitan ito ng kahit anong masagwa at kamuhi-muhing bagay.”

Ang pag-isipan ito sa pamamagitan ng buong kaluluwa ay pagdanas sa kawalan.

Hun 10, 2012

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin


Hindi maaaring patawarin ang sinumang nakasakit sa atin kung ibinaba tayo ng pasakit na iyon. Kailangang isipin na hindi nito tayo ibinaba, na ibinunyag nito ang ating tunay na antas.

Hun 7, 2012

Sipi mula sa La Connaissance surnaturelle

ni Simone Weil
aking salin


Ama, sa ngalan ni Kristo, ipagkaloob mo ito.

Na iadya ako sa lahat ng kalagayang magpapahintulot ng kilos sa aking katawan, kahit anong pahiwatig ng kilos, o sumunod sa kahit ano sa aking mga kagustuhan, kapara ng isang ganap na lampa. Na hindi ko na makayanang tumanggap ng kahit anong pakiramdam, tulad ng isang ganap na bulag, bingi, at nabawian ng tatlong natitirang pandamdam. Na iadya ako sa anumang kalagayang makapagkakabit ng dalawang ideya, maging mga pinakasimpleng ideya, sa pamamagitan ng pinakamanipis na sinulid, tulad ng isa sa mga ganap na inutil na bukod sa hindi marunong magbilang o magbasa ay ni hindi man lang nakuhang matutong magsalita. Na mawalan ako ng kakayahang maramdaman ang anumang uri sakit at ligaya, at mawalan din ng kakayahang magmahal sa kahit anong nilalang o bagay, kahit pa sa aking sarili, tulad ng mga matandang tuluyang naulyanin.

Ama, sa ngalan ni Kristo, sadyang ipagkaloob mo ito.

Hun 6, 2012

Six Six Twelve

SR.SOL— No you won’t.

ANATH— You have your calling. I’ve got my phone.

SR.SOL— You’ve no calling whatsoever. Only the abyss calls you, and that’s not much of a voice.

ANATH— Family visited over the weekend. Just Sunday, actually, but I was happy. Happy, happy, happy, happy.

SR.SOL— You have a choice. You always have a choice. You’re not the exile you’ve been pretending to be, and neither of us is the mystic.

ANATH— There are nights when this prayer is the only thing that stays with me.

SR.SOL— Your song goes, “the longing to be near you/ you do what you have to do.” Cheap, but it suffices.

ANATH— Your song goes to In Exelcis, and beyond!

SR.SOL— Petty.

ANATH— Not a drop of honey on you, Sr.

SR.SOL— The prayer is not all you have, my friend.

ANATH— Also with me, the warmth of your madness.

Hun 5, 2012

Sipi mula sa Sining sa Liwanag ng Konsiyensiya

ni Maria Tsvetaeva
aking salin


Ang kalagayan ng paglikha ay kalagayan ng pagkabighani. Hangga’t hindi mo nasisimulan, ika’y nahuhumaling; hangga’t hindi natatapos, ika’y nasasaniban. May kung ano man, may kung sino man ang nananahan sa iyo; ang iyong kamay, hindi nito ginagawang ganap ang iyong sarili kundi ito, ang ano mang bagay na ito. Sino itong bagay na ito? Siya itong kung ano na nagnanasang umiral sa pamamagitan mo . . .

Ang kalagayan ng paglikha ay kalagayan ng pananaginip. Kung kailan, walang anu-ano, sadya kang tatalima sa isang hindi kilalang pangangailangan, susunugin mo ang isang bahay o itutulak ang iyong kaibigan mula sa tuktok ng bundok. Masasabi bang sa iyo ang kilos na ito? Malamang na iyo nga ito (dahil ikaw itong natutulog, nananaginip!) Sa iyo—sa kaganapan ng iyong kalayaan. Ang kilos ng iyong sarili bilang kalikasan.