Ago 30, 2012

Pagitan ng mga Dingding

ni William Carlos Williams
aking salin


sa mga pakpak
sa likuran ng

ospital kung saan
walang

uusbong nakalapag
ang mga baga

kung saan kumikinang
ang mga basag

na piraso ng luntiang
bote

Ago 29, 2012

Mula sa Nouvelles en trois lignes

ni Félix Fénéon
aking salin


Napisat si Samson ng isang bloke ng phosphate sa Aubervilliers, sa pabrika ng mga kemikal kung saan siya nagtatrabaho.

Ago 27, 2012

Awit sa Umaga

ni Sylvia Plath
aking salin


Pag-ibig ang nagpaandar sa iyo, parang sa isang makapal na gintong relo.
Pinalo ng kumadrona ang iyong talampakan, at ang hubad mong iyak
Ay sumakop ng lugar kasama ng mga elemento.

Umuulyaw ang aming tinig, pinapalaki ang iyong pagdatal. Bagong rebulto.
Sa isang nakagiginaw na museo. Ang iyong kahubaran
Ang anino sa aming kaligtasan. Nakapaligid kami, singhungkag ng mga dingding.

Sa iyo'y hindi ako higit na ina
Kaysa sa ulap na nagdedestila ng salamin nang makita ang mabagal
Na pagkabura ng sarili sa kamay ng hangin.

Buong gabi, ang iyong hingang gamu-gamo'y
Umaandap-andap sa mga talipyang rosas. Gumising ako upang makinig:
Isang malayong dagat ang kumikilos sa aking tainga.

Isang iyak at nabuwal ako sa kama, simbigat ng baka at bulaklakin
Sa aking pantulog na Victorian ang hubog.
Singlinis ng sa pusa ang pagbuka ng iyong bibig. Ang parisukat ng bintana'y

Nagpapaputi't lumalamon sa malalalamlam na bituin. At ngayon,
Sinusubukan mo ang iyong sandakot na mga nota.
Pumapailanglang ang malilinaw na patinig na tila mga lobo.

Paano kung kaarawan

Ng pinakamalilinis na guhit sa mundo?
Ng pinakamaiitim na mata, ng paborito kong isip?

Ano ang maihahandog sa minamahal,
sa mga minamahal niyang tanawin at sining?

Kung sana hindi na lamang siya ipinanganak
sa daigdig na pahamak, sa piling ng ibang tao.

Kung marungis na kamay lamang itong maiaalay.
At paano ibabalot ang karapatang mamili

Kung hahawakan niya ito o hindi.

Ago 25, 2012

Mula sa Nouvelles en trois lignes

ni Félix Fénéon
aking salin


Isang nakabigting tao, dalawang buwan nang naroon, ang natagpuan sa bulubunduking Estérel. Ganap nang nasira ng mababangis na ibon ang kanyang anyo sa tulong ng kanilang mga tuka.

Ago 23, 2012

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin


Binabasa natin, ngunit tayo rin ay binabasa, ng iba. May mga hadlang sa ganitong mga pagbabasa. Pagpilit sa isang tao na basahin ang kanyang sarili ayon sa ating pagbasa sa kanya (pang-aalipin). Pagpilit sa iba na basahin tayo ayon sa pagbasa natin sa ating sarili (panlulupig). Isang mekanikal na proseso. Mas madalas sa hindi, isang diyalogo sa pagitan ng mga taong bingi.

Sipi mula sa talaarawan

ni Witold Grombowicz
aking salin


Hindi isang pagkakataon lamang na sa mismong sandaling kailangan natin ng bayani saka biglang susulpot ang payaso—isang malay at, dahil dito, isang seryosong payaso. Masyado ka nang matagal sa pagiging literal . . . Nalimutan mo nang, bukod sa ang tao ay kanyang sarili, ang tao rin ay nagpapanggap bilang kanyang sarili.

Ago 22, 2012

A—

Nakalulungkot lang na hindi ako makapupunta sa kumperensya bukas. Handa pa naman sana akong magbasa ng papel, at higit pa roon, makapakikinig ng ibang mga sinulat tungkol sa mga bata at sanggol sa larangan ng media at panitikan. Partikular na mahalaga ang mga babasahin ng dalawang kaibigang hinahangaan. Nakakalungkot lalong isipin na hindi ko makikita ang ilan pang kaibigang maaari sanang makasalubong doon sa ibaba ng aklatan. Nakapaghanda pa naman ako ng ilang regalo.

Tapos may mga nababalitaan ako, na bukod pa sa pinakamalaking balita nitong mga nakaraang araw, mga maituturing nating mas maliliit na kuwento (at sana nga'y hindi na mas lumala pa): mga pangangailangan, mga karamdaman. Mga tanong na hindi pa nila naitatanong ay alam na nilang walang parating na hustong kasagutan.

Hindi naman sobrang malungkot. Hindi ko pa rin masasabing pumantay na ito sa mga Agostong nakaraan. Halimbawa, kaninang umaga, natunton na namin ang puno't dulo ng mga sakit ng bata (ngunit kung tutuusin pala ay may kalungkutan din ang kaalamang ito at gaya ng sabi ni Pink, parang ayaw na niyang makuha pa ang x-ray). Isa pa, unang araw ng exams ng panganay namin at full force kaming nakapaghatid. Pati ang sanggol naghatid, umiyak pa ng "ate! ate!" pagkapinid ng pinto ng klasrum. Hindi na bumalik ang lagnat ng aking asawa. Umampat na rin ang pamamaga ng kanyang sakong, nahuli na tuloy ang nakuha kong mefenamic at salonpas. Nakapagbayad na rin ng bills, sa wakas, salamat at may dumating na pera mula sa kung saan. Tiyak marami pang ibang magagandang balita, maliliit at personal.

Nangingibabaw sa mga ito ang sunod-sunod na pagdalaw ng aming mga pamilya. Nagpaiwan pa ang aking ama dito para makatulong sa amin. Napag-usapan namin ang Agosto, at kung paanong nasasalanta ang mga buhay sa Agosto. Paborito ito ng aking kapatid kasi raw maraming long weekend. At siyempre, nasa buwang ito ang kaarawan ng aming prinsesang panganay (at kaarawan din ng ilang pili at matalik na kaibigan, kasama ka na rito). Ngunit sa aking karanasan, mabigat ang Agosto. Gayon din sa tatay ko. Ang tawag daw nila dito sa Quisao ay "kawit palakol."

May isa pa siyang tawag: patay na buwan.

Malamang hindi ka papayag. Puno ng hindi pagpayag ang iyong ngiti, o ang alaala ng iyong ngiti. Maaaring sabihing relatibo ito, depende sa maraming salik. O baka sabihin mong may mga mas malala pang buwan, halimbawa, ang kanluraning Abril. O, sa iyong banda: Setyembre.

At gaya ng dati—ngayon at palagi—may punto ka.

Mula sa Nouvelles en trois lignes

ni Félix Fénéon
aking salin


Si M. Bozzoli, taga-Constantine, ay nakipagtlo sa kanyang ina. Natumba ang kanyang ina, namatay sa aneurysm. Dala ng pagkataranta, nabasag ni M. Bozzoli ang kanyang bungo.

Ago 21, 2012

Sipi mula sa Briefe an einen jungen Dichter

ni Rainer Maria Rilke
aking salin


Ngayon (sapagkat sinabi mong gusto mo ng payo) nagsusumamo ako sa iyo na tigil-tigilan mo ang ganyang uri ng kilos. Tumitingin ka sa labas, at iyan ang pinakamahalagang iwasan sa lahat. Walang sinumang makapagbibigay sa iyo ng payo o tulong—wala. Isa lamang ang maaari mong gawin. Pumaloob ka sa iyong sarili...

Ago 19, 2012

Mula sa Nouvelles en trois lignes

ni Félix Fénéon
aking salin


Hindi naman malubha ang kanyang tama sa ulo, sa paniniwala ni Kremer na taga-Pont-à-Mousson, na nagpatuloy matrabaho ng ilang oras, at saka namatay.

Ago 18, 2012

Hindi Inaasahang Pagkikita

ni Wisława Szymborska
aking salin

Naging lubos na magalang tayo sa isa’t isa;
sabi natin, mabuti’t nagkita tayo, ilang taon na rin.

Uminom ang ating mga tigre ng gatas.
Naglakad ang ating mga lawin sa lupa.
Nangagsilunod na ang lahat ng ating mga pating.
Naghikab ang mga lobo natin sa labas ng bukas na kulungan.

Hinubad na ng ating mga ahas ang kanilang kidlat,
ng mga bakulaw ang kanilang mga guniguni,
ng mga paboreal ang kanilang mga plumahe.
Matagal nang nilayasan ng mga paniki ang ating buhok.

Nanahimik tayo sa gitna ng mga pangungusap,
wala nang sasaklolo sa ating mga ngiti.
Ang ating mga tao,
hindi na alam kung paano makipag-usap.

Ago 17, 2012

Mula sa Nouvelles en trois lignes

ni Félix Fénéon
aking salin


Buhangin at iyon lamang ang nilalaman ng dalawang kahina-hinalang balutan na kahapo'y nagbigay alarma sa Saint-Germain-en-Laye.

Ago 14, 2012

Sipi mula sa Kritik der reinen Vernunft

ni Immanuel Kant
aking salin


Ngunit kung may taong tuluyang makapipiglas mula sa lahat ng mahahalagang konsiderasyon, at makapaninimbang sa mga pahayag ng katwiran nang walang kinikilingan, na papansinin lamang ang nilalaman ng mga ito, na walang pagpapahalaga sa mga kahihinatnan ng mga ito; ang ganitong tao, kung ipagpapalagay na wala siyang ibang alam na landas mula sa pagkabalisa maliban sa pagpapatunay ng katotohanan ng isa sa mga nagtutunggaliang doktrina, ay mamumuhay sa kalagayan ng patuloy na pag-aatubili.

Half the "hi chomskies" thread





—pick any one there that's dished out in an interview format. mas masaya basahin. huwag mo nang kunin yung what we say goes tsaka hegemony or survival (yata) at failed states kasi buhay pa mga kopya ko nyan, pahiram ko na lang sa iyo (pag type mo siya, acquired taste kasi). tsaka piliin mo yung pinakamanipis para may instant sense of achievement pagkabasa mo :)



—advice ng teacher sa comparative lit, magbasa muna ng secondary lit (someone discussing kristeva in the plainest language possible) before moving on to the primary source. equivalent natin: i-wiki muna. pero dahil academe ka na, you can't stop there



—trade-off nga lang, medyo tali ka na sa reading ng guide mo,whether on or off the mark. but you can read other 'takes' once you've tasted the original formula



—don't know abt kristeva, but some of them 'perform' their theory through their language. much like poets. si irigaray ganun yata ang ginagawa. some of them are just great thinkers who like being difficult. perhaps that's why i prefer chomsky over the lot of them: grounded guy. i mean, f i wanted difficult, there's always ezra pound





—That's it! I'm repeating myself! Senility, old age!

Ago 12, 2012

Sipi mula sa talaarawan

ni Witold Gombrowicz
aking salin


Ang tambak ng basura. Iyon mismo ang punto, na nagmula ako sa iyong tambak ng basura. Lahat ng inihagis mo bilang dumi nitong mga nakaraang dantaon ay nagsasalita na ngayon sa pamamagitan ko . . . Ibinasura mo ang lahat ng pag-arte at teatro mula sa iyong kalooban at sinubukang kalimutan ang anumang tungkol dito. Ngayon, kapag tumanaw ka sa labas ng bintana, makikita mong may umusbong na puno sa tambak ng basura, isang katawa-tawang panggagaya ng isang puno.

Ago 11, 2012

Ulat mula sa Ospital

ni Wisława Szymborska
aking salin


Posporo ang ginamit nating palabunutan: sino ang bibisita sa kanya.
At ako ang natalo. Tumayo ako, iniwan ang ating mesa.
Malapit na ring simulan ang mga oras ng pagbisita.

Noong sinabi ko kumusta, hindi siya kumibo.
Sinubukan kong hawakan ang kanyang kamay—inilayo niya ito
parang asong gutom na ayaw bitawan ang kanyang buto.

Mukhang nahihiya siya sa paghihingalo.
Anong sasabihin mo sa taong ganoon?
Hindi nagsalubong ang aming mga mata, parang sa pekeng litrato.

Wala siyang pakialam kung mananatili ako o aalis.
Wala siyang kinumusta sa kahit sino sa ating mesa.
Hindi ikaw, Rico. O ikaw, Nico. O ikaw, Mico.

Sumakit ang aking ulo. Sino ba ang nawawala kanino?
Ibinida ko ang makabagong medisina at ang tatlong lila sa garapon.
Nagsalita ako tungkol sa araw at unti-unting naglaho.

Mabuti na lang may hagdan sila para takbuhan pababa.
Mabuti na lang may tarangkahan sila para palabasin ka.
Mabuti na lang naghihintay kayonglahat sa ating mesa.

Sumasama ang pakiramdam ko sa amoy ng ospital.

Ago 10, 2012

Sipi mula sa Cosmos

ni Witold Gombrowicz
aking salin


Nagkaroon ng matinding pananagana ng mga kawing at pagkakaugnay . . . Ilang pangungusap ang mabubuo mula sa dalawampu't apat na titik ng alpabeto? Ilang kahulugan ang mahihinuha mula rito sa daan-daang damo, mga kimpal ng lupa, at ibang pang maliliit na bagay?

Emo Orthodox: ang konyong kalahati ng isang usapang Karamazov

I was then a very unhappy young man. I suppose young men are fond of unhappiness. They do their best to be unhappy, and they generally achieve it. And then I was shamed because I discovered an author who was doubtless a very happy man. It must have been 1916 when I came to Walt Whitman, and then I felt ashamed of my unhappiness. I felt ashamed that I tried to be still more unhappy by the reading of Dostoyevski.
—Jorge Luis Borges



—it will help. kesa naman sa students lumabas yang sama ng loob mo



—or ... worse, maging self-loathing















—good to hear. mabuti ganyan ka sa kanila. in my book, kahit saang eskuwela ka basta ganyan ka sa estudyante maganda iyan. kesa naman manatili ka diyan tapos maging katulad ka ng mga tanders na masama ang ugali



—nasa baligtad akong proseso ngayon, binabawasan ko ang convict face. i'm mellowin' down, hahaha









—weird lang. alam mo sa hum1, large class, pinagsusulat ko sila. yung isang lalaki, absorbed na absorbed, kinakamot yung gilid ng ilong niya ng eraser ng lapis. muntikan ko nang sawayin na para bang sinasaway ko si neneng! haha as in muntikan na talaga











—sana lang. but the changes inside the classroom, only the students could be the judge of that. i still think may ibang (at baka mas mabuting) natutunan yung mga iba na katulad nyo who had to go through a more punishing routine.

—halimbawa yung hum1 ko, ang igsi ng mga pinapabasa ko. e si mam dadu hinagisan kami ng karamazov





—at nagpapasalamat pa rin ako sa kanya. sa kanya pala ako unang nakabasa ng virginia woolf . . . miss ormerod ang kuwento









—hahagisan mo sila ng war and peace?



—haha ansaya! teach hundred years in episodes siguro. sa panpil, tinalakay namin yan. hal: anong masasabi nila sa sequence nung mahabang ulan, o yung mga bakang nilalalagyan ng label

—o yung masaker na nakalimutan ng lahat. parang as a collection of short stories muna bago iintegrate bilang novel, at least that's how i would do it





—crime and punishment, isang bagsakan yan ano? hindi kayang tilad-tilarin. miss ko na tuloy mag-dostoyevski

—miss ko na ang canon siguro, kaso super ang takot ko sa downloadable reviews





—kunsabagay

—how would you teach crime and punishment?













—ang downer ng denouement na yun. bakit kahit nasa 'rehab' siya parang nakakalungkot pa rin?





—tama ba? or am i mixing this with ivan k?







—sino ba yung parang pinadala sa wasteland tapos parang nagbabalik-loob sa diyos?







—rasko then. of the same cloth kasi. but it's an impressive cloth so okey lang kahit makailang beses ginamit ni dosto









—ah i see. kadiri talaga si smerdyakov (smerdyankov?) pero stroke of genius ang paggawa ng character na yun



—gambler kasi siya, hahaha



—una, for some reason, kahit tinapos mo na ilang beses ang bros.k, sobrang shadowed ni smerds na parang never siyang kabilang sa "bros" ng bros k.





—yes! ngunit nagkaroon ng culpability yung utak ni ivan k.













—in a way merging si smerds ng utak ni ivan at (resentment sa) lakas/natural force/beauty ni kuya (dmitri ba?) . . . and he was made possible by the absence of alyosha. kahit pa gaano kaspiritwal ang reasons ni alyosha

—grabe lang yung pasok ng ano nga bang tawag sa chapter na yun? yung inquisitor ba and jesus?





—YUN!





—anuano? abt grand inq, i mean, bakit ka napapamura nun!

—dosto orthodox!







—tapos halik lang, semplang na











—pero antindi ng kiss na yun! saktong-sakto. feeling ko kahit si dosto haunted ng image na yun











—at ang matindi pa, yung deep-seated rejection ng halik. in a way yung absence ng halik ang nagmotivate sa paring yun na maging grand inq. tapos nung dumating na, hindi nya kinaya.

Ago 8, 2012

Atlantis

ni Wisława Szymborska
aking salin


Matatagpuan sila o hindi sila matatagpuan.
Sa isang isla o hindi.
Isang karagatan o hindi isang karagatan
ang lumamon sa kanila o hindi.

Naroon ba ang sino man upang umibig kanino man?
May makakaaway ba roon ang kung sino man?
Nangyari ang lahat o walang nangyari
doon o sa kung saan man.

Pitong lungsod ang namayagpag doon.
Sa tingin natin.
Itinakdang manatili ang mga ito magpasawalang-hanggan.
Sa ating palagay.

Wala naman silang gustong mangyari. Wala.
May nais silang mangyari, oo, mayroon.

Tila isang palagay. Kahina-hinala.
Hindi nagugunita.
Hindi mahango mula sa hangin,
apoy, tubig, o lupa.

Hindi naisisilid sa loob ng isang bato
o sa patak ng ulan.
Hindi angkop para gamitin nang seryoso
bilang liksyon sa dulo ng kuwento.

Bumagsak ang bulalakaw.
Hindi bulalakaw.
Sumabog ang bulkan.
Hindi bulkan.
May isang nagpapunta sa kung ano.
Walang tinatawag.

Dito, sa mahigit kumulang na Atlantis.

Eight Eight Twelve

SR.SOL— That you may gain a clear understanding of what needs writing?

ANATH— That I won’t forget who to translate, and why. Whose ideas matter.

SR.SOL— Only that why concerns me.

ANATH— Always have, always will. Maybe that’s the reason—

SR.SOL— For the moment, I’ll assume it’s no exercise of the pathetic.

ANATH— Very kind of you. Once, an uncle of mine said that the world brims with good works, but not one from a pure intention, and that was why he’d rather sleep with a bottle.

SR.SOL— You drink?

ANATH— Well, he was drunk when he said this, and that’s why I even mentioned it. I’m not out to justify myself.

SR.SOL— All our statements justify our deeds. Statements that don’t seem to justify our actions are in fact justifying hidden or forgotten actions.

ANATH— So much then for the infinite variety of statements. But if that’s so, what are questions trying to do? What’s a question like “do you drink?” trying to do?

SR.SOL— You are burying yourself. This is what it’s all about. Nothing heroic, particularly because you’re doing it in full view.

ANATH— You can take it as an act of gratitude toward the mother tongue. The mother bird regurgitates food straight down the throats of the chicks. Wouldn’t be here without the mother tongue.

SR.SOL— I don’t want to discuss your salary, so don’t go there.

ANATH— You can, for once, be generous and take it as an act of commiseration, an act of absorbing off-shore suffering to the point where the redundancy becomes painful because, well, no suffering was ever foreign.

SR.SOL— Maybe you’re play-acting. Yes, but why? You are scourging yourself because of the gladness in your heart. Or it’s not happiness altogether. There’s something, there must be something because you’re doing it in full view.

ANATH— I have friends, the most perceptive of friends. I have a grand total of ten readers, two of them are myself. I have seven standing advisees, no eight, but he has receded from plain sight. Another has tasted metafiction in English and will require mechanisms for rehabilitation when she regains her senses. A third is drenched in the drippings of the mother tongue. I should keep up, or seem like I’m keeping up. Because I’m doing this for him, this third one. And then, and then there’s the first—

SR.SOL— Of course not, this was never about them. Or is it … my God. You filth, you filthy stretch of skin! I know this pattern ... you have been laying groundwork!

ANATH— Hey, listen. I’ve got this appointment. Lunch, or something.

SR.SOL— These are wards!

ANATH— Or coffee. I have family whole for another Sunday.

SR.SOL— Gargoyles. You’re fencing yourself in with gargoyles. I should have seen this sooner. Translating’s a truly roundabout way of doing it—and the texts double the view—but the purpose is unmistakable.

ANATH— However inexact a practice. Take “gargoyle,” for instance. Let the first draft reflect that I elect the word “bul-ol” as the closest Filipino equivalent, culturally speaking. “Herm,” the Greek.

SR.SOL— Neither herms nor colossi. You ball of spit.

ANATH— Still not getting it. That’s why I’m doing it in full view. Because you’ll never get it, and I want you to appreciate your mortal thresholds.

SR.SOL— My life is all about embracing my limits.

ANATH— And the embrace has far too short a compass. I’m sorry.

SR.SOL— Sorry, because no one has ever done a thing such as this for me. No one’s ever tried to ward me off.

ANATH— Because no one sees you coming. That’s your charm.

SR.SOL— Who has taken the time to carve the skulls of saints with my initials?

ANATH— Now look here, nobody’s naming names. This neglect springs only from courtesy.

SR.SOL— You mentioned a lunch meeting. And I should return to my charitable works, do excuse me.

ANATH— You read people like me. Us beggars. You read the invisible. That’s as charitable as it gets.

SR.SOL— I was referring to the floods. There are medical supplies to carry. Luggage. Soup kitchens.

ANATH— You read the invisible, Sr., that’s kindness nonpareil.

SR.SOL— My self-flagellation must believe itself altruistic. If my back is to endure.

Ago 5, 2012

Ang Tuta

ni Alexander Solzhenitsyn
aking salin


Ikinadena ng isang batang lalake sa aming bakuran si Sharik, ang kanyang maliit na aso, isang bola ng himulmol na nakatanikala simula pagkatuta.

Isang araw dinalhan ko siya ng mga buto ng manok, mainit-init pa at amoy masarap. Kapapakawala pa lamang ng bata sa kawawang aso upang makatakbo siya sa bakuran. Malalim at malabalahibo ang niyebe, at nagtatatalon roon si Sharik na parang kuneho, una gamit ang mga binti sa likuran, tapos iyong mga nasa harapan, mula sa isang sulok ng bakuran tungo sa kabila, paroo't parito, ibinabaon pa ang nguso sa niyebe.

Tumakbo siya sa akin, ang balahibo niyang magulo't makapal, tinalon ako, inamoy ang mga buto—at nagtatakbong muli, lumubog hanggang tiyan sa niyebe.

Hindi ko kailangan ang mga buto mo, sabi niya. Ibigay mo na lamang ang aking kalayaan . . .

Ago 4, 2012

Sipi mula sa Briefe an einen jungen Dichter

ni Rainer Maria Rilke
aking salin


...mahalin mo ang iyong pag-iisa at subukang awitin ang idinudulot nitong kirot. Sapagkat silang malalapit sa iyo ay napakalayo... at ipinapakita nitong nagsisimula nang lumawak ang espasyo sa iyong paligid... ikagalak ang iyong pag-unlad, kung saan syempre wala kang maaaring isama, at maging mapagtimpi sa mga hindi nakasasabay sa iyo; panatilihin ang iyong katiwasayan at kapanatagan ng loob sa harap nila at huwag mo silang pahirapan ng iyong mga alinlangan at huwag mo silang takutin ng iyong pananampalataya o kaligayahan...

Sipi mula sa Œuvres completès

ni René Char
aking salin


Tuwing kakain tayo, inaanyayahan nating makisalo ang kalayaan sa hapag. Wala pa ring umuupo sa kanyang silya, ngunit lagi’t laging may nakahain sa kanyang lugar.

Ago 2, 2012

Panghihina ng Loob ni Uwak

ni Ted Hughes
aking salin


Nararamdaman ni Uwak na unti-unting kumakawala ang kanyang utak.
Nakikita niya ang bawat balahibo bilang kusilba ng isang pagpaslang.

Sino ang pumatay sa lahat ng ito?
Itong mga buhay na patay, na nag-uugat sa kanyang litid at sa kanyang dugo
Hanggang tuluyan siyang mangitim sa paningin?

Paano niya lilisanin ang kanyang mga balahibo?
At bakit sila nananahan sa kanya?

Siya ba ang arkibo ng kanilang mga paratang?
O ang malamulto nilang pakay, ang nanghihina nilang higanti?
O ang bilanggong hindi nila mapatawad?

Hindi siya mapapatawad.

Bilangguan niya ang daigdig. Nakabalabal sa kanyang pagkakahatol,
Sinusubukang maalala ang kanyang mga kasalanan,

Mabigat ang kanyang paglipad.

Sipi mula sa mga kuwaderno

ni Simone Weil
aking salin


Nababalani tayo ng isang bagay sapagkat naniniwala tayo na ito'y mabuti. Humahantong tayo sa pagkakatanikala sa bagay na ito sapagkat ito'y naging pangangailangan.